
NI NOEL ABUEL
Kasabay ng nalalapit na mandatory face-to-face classes sa buong bansa ay dapat na magkaroon na saraling computer tablet ang bawat estudyante sa public school, state universities at colleges.
Ito ang nakasaad sa Senate Bill No. 258 ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. kung saan dahil aniya sa mabilis ng sistema sa pag-aaral dulot ng makabagong teknolohiyaa na hindi na basta luho lamang ang paggamit ng tablet dahil isa na itong matinding pangangailangan upang makasabay sa idinidikta ng panahon.
Ayon kay Revilla, marapat lamang na makisabay ang batas sa pagbabago ng panahon upang tugunan ang mga modernong pangangailangan ng mga mag-aaral na Pilipimo, lalo na sa ilalim ng “New Normal”.
Sinabi pa nito na hindi madali ang makabagong demands sa panahong ito lalo na’t patuloy ang pagtaas ng lahat ng bilihin.
“Kailangang kasing bilis ng pagbabago ng panahon ang ating pagkilos na matugunan ang pangangailangan ng taumbayan lalo na ang mga kabataan na itinuturing nating pag-asa ng bayan,” sabi nito.
Napatunayan umano ito sa kasagsagan ng pandemya na nairaos ang pag-aaral sa pamamagitan ng online learning na bagama’t hirap ang mga guro ay nagawang hindi mapag-iwanan ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng gadget.
“Actually, regular naman tayong namimigay ng tablet at laptop sa maraming estudyante sa pamamagitan ng ating ‘Kaalaman Ating Palawakin (KAP) Amazing Gadget Giveaway’, lalo na noong kasagsagan ng pandemya, kaso hindi natin kakayaning lahat ng estudyante ay mabigyan, pero kung may umiiral na batas ay masisiguro natin na lahat ay mabibigyan” paliwanag ng beteranong senador.
Nakapaloob sa naturang panukala na sakaling maging isang ganap na batas ang “One Tablet, One Student Program” ay pangungunahan ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ang pamamahagi ng tablet computer sa bawat mag-aaral ng public elementary, secondary, at tertiary schools.
Ang mga estudyante na mayroon na umanong sariling tablet ay pagkakalooban na lamang ng educational assistance sa pamamagitan ng internet allowance upang makakuha ng maayos na serbisyo ng internet at hindi aasa lamang sa tingi-tinging koneksiyon.
“Simula kasi ng mamigay tayo ng tablet at laptop ay hindi na tumigil ang maraming estudyante na humihingi, lalo na sa mga probinsiya, kaya sana ito na ang maging solusyon para magkaroon ang lahat ng tablet para matiyak natin ang kalidad ng edukasyon lalo na sa pampubikong paaralan” pagwawakas pa ni Revilla.
