
NI NOEL ABUEL
Dapat na isapubliko ng mga ospital at healthcare providers ang presyo ng kanilang mga serbisyo upang makapili ng maayos ang taumbayan kung saan magpapagamot at nang hindi sila masorpresa sa mga bayarin.
Ito ang sinabi ni Senador Manuel “Lito” Lapid sa inihain nitong panukalang batas na naglalayong mas paigtingin ang karapatan ng mga pasyente na malaman ang mga gastos sa gamot na ipinapataw ng mga ospital sa mga nagpapagamot.
Sa ilalim ng Medical Transparency Act na inihain ni Lapid ngayong 19th Congress, na obligahin ang mga ospital at healthcare providers na maging transparent sa pagpapaalam sa kanilang pasyente ng aktuwal na presyo sa bayarin.
“Sa pagpasok ng bagong Kongreso, isa pa rin sa ating prayoridad na isinusulong ang pagkakaroon ng akses ng ating mga kababayan sa dekalidad at abot-kayang pagpapagamot at check-up upang sila ay makaiwas sa mga ‘surprise billing’. Muli po nating hinihiling na isapubliko ng mga ospital at healthcare providers ang presyo ng kanilang mga serbisyo upang makapili ng maayos ang ating mga kababayan kung saan sila magpapagamot at nang hindi sila masusurpresa sa bayarin,” paliwanag ni Lapid.
Iminungkahi rin ng senador na na tanggalin ang mga hindi kinakailangang bayarin sa ospital sa pamamagitan ng pagpapakita ng tunay na ipinapataw na presyo sa serbisyo at makontrol ng mga pasyente ang gastusin ng mga ito sa kanilang kalusugan kasama na ang health insurance coverage.
Nakapaloob din sa panukala na aatasan ang kalihim ng Department of Health (DOH) na gumawa ng regulasyon na naaayon sa batas upang hilingin sa mga ospital na isapubliko ang mga hospital charge information.
“Sa ilalalim ng panukalang ito, layunin nating maging pro-active ang ating mga ospital at healthcare providers sa pagbibigay alam sa publiko kung magkano mismo ang kanilang kailangang bayaran para sa mga serbisyo, gamot, at iba pang mga bayarin. Kalakip ng panukalang ito, hinihimok din natin ang mga ospital at healthcare providers na magbigay ng update sa publiko kung may mga pagbabago sa mga impormasyong ito,” paliwanag pa ng senador.
“Kasama rin sa ating itinutulak sa panukalang batas na ito ang pagkakaroon ng transparency sa health insurance coverage kung saan ang mga Kalihim ng Health at Finance ay magkasamang mag-iisyu ng regulasyon na inoobliga ang mga healthcare providers, health insurance issuers, at mga self-insured groups na magbigay ng health plans upang magkaroon ng mas mabilis at maayos na akses ang ating mga kababayan sa nararapat na impormasyon ukol sa mga out-of-pocket costs para sa mga bagay o serbisyo bago pa man sila makatanggap ng mga ito,” dagdag pa nito.
