PSA at BSP kinalampag ni Rep. Duterte sa national ID program

NI NOEL ABUEL

Kinalampag ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ang Philippine Statistics Authority (PSA) at ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na madaliin ang implementasyon ng Philippine Identification System (PhilSys) project upang masolusyunan ang red tape sa pamahalaan at maisaayos ang pamamahagi ng financial aid sa mahihirap na pamilya.

Ayon sa kongresista, ang Philsys o ang national ID system ay makakatuwang ng e-governance bill na muling ihahain nito sa pagbubukas ng 19th Congress na naglalayong lumipat ang mga transaksyon sa pamahalaan sa pamamagitan online transaction.

Sinabi ni Duterte na ang national ID ay makakatulong din sa paglilinis sa listahan ng benepisyaryo ng  social protection programs,  na tinutulungan ang gobyerno sa mas mahusay na pagtarget sa mga taong nangangailangan ng tulong pinansyal sa panahon ng krisis.

Inihalimbawa nito ang panahon ng pamumuno ng ama nitong si dating Pangulong Rodrigo Duterte,na inaprubahan ang pagpapalabas ng pondo para mapabilis ang implementasyon ng Philsys.

Ngunit sa 2021 report ng Commission on Audit (COA) sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), natuklasan na ang BSP at ang kontraktor nito na inatasang ipadala ang Philsys cards ay nabigo maabot ang production targets na nagdulot ng pagkabalam ng nasabing proyekto.

“Accelerating the implementation of the national ID system will make the delivery of financial assistance swift and efficient. Aside from that, a well-maintained national ID system will help the government clean up its database of beneficiaries of social protection programs, such as the 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program).  Even those who dupe the system by getting senior citizen ID cards even though they are not yet qualified to avail of the benefits for seniors will be weeded out,” paliwanag pa ni Duterte.

Ang PSA ang chief implementor ng Philsys project habang ang BSP ang namamahala sa paggawa ng physical ID cards na ibibigay sa Philippine Postal Corporation (PhilPost) para sa pamamahagi.

“We urge the BSP and PSA to come up with a good catch-up plan to speed up the implementation of this vital project,” giit ni Duterte na nagsabing nakarating sa kaalaman nito na marami nang reklamo na delay ang produksyon at pamamahagi ng Philsys cards.

Sa ulat, sinasabing nakapagparehistro na ang PSA 74 porsiyento o katumbas ng 68.3 milyong national ID applicants sa 92 milyong target noong Hunyo 30 kung saan sa nasabing bilang tanging  13.86 milyong physical cards pa lamang ang naipamamahagi.

Leave a comment