DOLE Sec. Laguesma biktima ng scam

NI NERIO AGUAS

Hindi pa man nagtatagal sa kanyang posisyon bilang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay nabiktima ng scam si Sec. Bienvenido E. Laguesma.

Sa inilabas na abiso ng DOLE, nakarating sa kaalaman ng ahensya na may ilang indibiduwal na tumatawag gamit ang cell phone sa ilang negosyante at kumpanya at nagpapakilalang tauhan ni Laguesma at nagso-solicit at nanghihingi ng pera.

Ayon sa DOLE, nagpapakilala ang hindi nakilalang suspek na may kaugnayan sa kalihim at nanghihingi ng pera sa mga negosyante kapalit ng umano’y paborableng resulta ng kasong kinakaharap ng mga kumpanya.

“The labor department strongly condemns such nefarious acts that tend to put to bad light the DOLE and destroy the good name of the Labor Secretary. DOLE strongly urges the public to report such illegal and illicit activities to the nearest DOLE Regional offices or call DOLE Hotline 1349.” sa abiso ng DOLE.

Natukoy ng DOLE ang cell phone number na tumatawag gamit ang pangalan ni Laguesma na +639282935724 ngunit pinaniniwalang prepaid ito kung kaya’t nang tawagan ay hindi na ito makontak pa.

Paalala pa ng ahensya sa publiko at sa mga negosyante, huwag basta maniwala sa mga tumatawag sa mga ito na nagpapakilalang tauhan ng DOLE dahil sa hindi gawain ng ahensya na tumawag sa mga kumpanyang may kinakaharap na kaso.  

Leave a comment