Fixed salary at benepisyo sa bgy. officials isinulong sa Kamara

Rep. Paolo Duterte

NI NOEL ABUEL

Dahil sa kahalagahan ng mga barangay sa lokal na pamamahala ay dapat na bigyan ng karampatang fixed salary at iba pang benepisyo ang mga opisyal nito tulad ng tinatanggap ng mga empleyado ng gobyerno.

Ito ang sinabi ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte sa inihain nitong panukalang batas para mabigyan ng maayos na suweldo at benepisyo ang mga  barangay official sa buong bansa.

Ayon kay Duterte, ang mga barangay ang nagsisilbing unang tanggapan na pinupuntahan ng mga tao at inaasahang tutugon sa ilang mga usapin bukod pa sa kanilang regular na tungkulin at responsibilidad.

“It is high time that our barangay officials be given what is due for them and recognize their vital role in carrying out government activities to the communities,” sabi ni Duterte.

Sa ilalim ng House Bill No. 502, pagkakalooban ng fixed salary ang mga barangay officials at ideklara ang mga itong regular government employees upang makatanggap ng kompensasyon at iba pang benepisyo tulad ng tinatanggap ng mga government employees.

Sinabi pa ni Duterte  na bilang pangunahing political unit, ang barangay ang nagsisilbing pangunahing nagpaplano at nagpapatupad ng ng proyekto ng gobyerno, programa at mga polisiya.

Binanggit din nito na bilang patunay, karamihan sa mga pagsisikap ng national government ay nangangailangan ng suporta ng mga barangay dahil sila ang pinakamalapit nna anyo ng pamahalaan sa tao.

Kasama rin bilang co-authors ng HB no. 502 si Benguet Rep. Eric Yap na nagsabing ang mga barangay officials ay kailangang sakop ng Government Service Insurance System (GSIS), PhilHealth, at Pag-Ibig Fund benefits.

Ang mga barangay chairman at mga miyembrong barangay council ay tumatanggap ng kompensasyon sa pamamagitan ng honorarium at hindi fixed salary.

Leave a comment