Tulong-legal sa PNP at AFP isinulong ni Sen. Go

NI NOEL ABUEL

Muling binuhay ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang panukalang batas na magbibigay ng libreng tulong-legal sa lahat ng unipormadong tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa sandaling maharap sa kaukulang kaso dahil sa pagtupad ng opisyal tungkulin.

“Palaging nasa frontline natin ang ating mga kapulisan at mga sundalo sa kampanya ng pamahalaan upang masiguro na ligtas ang ating mga mamamayan mula sa banta ng mga kriminal, lalo na ang mga drug syndicates at mga terorista,” sabi ni Go.

“Minsan, kahit sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin, sila ay nakakasuhan o nasususpende nang hindi nabibigyan ng pagkakataon na idepensa ang sarili ayon sa nakasaad sa batas,” dagdag nito.

Iginiit ng senador na lubos ang tiwala nito sa mga unipormadong tauhan ng PNP at AFP kung kaya’t makakaasa ito ng tulong sa oras na masangkot sa isang krimen dahil sa pagtupad laang ng tungkulin.

“Alam naman po natin gaano kabigat ang responsibilidad ng ating mga sundalo, pulis, at iba pang uniformed personnel. Paminsan, sa nais lamang nilang gampanan ang kanilang tungkulin, sila pa ang iniipit at nakakasuhan kapag may nakakabanggang mga maimpluwensiyang tao. Ito ang rason kung bakit nais nating bigyan sila ng sapat na suportang legal upang maproteksyunan nila ang kanilang sarili basta nasa tama sila at ginagampanan ang kanilang tungkulin na naaayon sa batas,” paliwanag ni Go.

Sa sandaling maging batas, sinumang opisyal ng AFP at PNP na mahaharap sa prosecutor’s office, o korte, anuman ang kaso na magmumula sa isang insidente na may kaugnayan sa pagganap ng tungkulin ay may karapatan sa libreng tulong-legal.

“Malayo na ang narating natin sa pagpapalakas ng integridad at pagbalik ng respeto sa ating kapulisan at kasundaluhan. Dahil ito sa suporta ng dating administrasyong Duterte sa kanila na nais nating maipagpatuloy,” ayon pa sa senador.

“Kung maalala ninyo po, isa rin po ito sa mga panukalang binigyan-diin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang mga huling State of the Nation Address. Talaga pong mahalaga para sa kaniya ang kapakanan nila dahil sila ang pumoprotekta sa kaayusan ng bansa,” sabi pa nito.

Leave a comment