
NI JOY SAN MIGUEL
Niyanig ng 4.6 magnitude na lindol ang lalawigan ng Zambales na naramdaman din sa Metro Manila nitong Biyernes ng hapon.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Siesmology (Phivolc), dakong alas-4:35 ng hapon nang matukoy ang epicentre ng lindol sa layong pitong kilometro kanluran ng bayan ng Masinloc at may lalim na 40 kilometro.
Naitala ang intensity IV sa Iba, Zambales; intensity III sa Infanta, Pangasinan, Olongapo City at Zambales; intensity II sa Gapan City, Nueva Ecija; Dagupan City, Pangasinan; Subic, San Antonio, Zambales; at intensity I naman sa Plaridel, Bulacan; Malabon City, Pasig City, Quezon City, Navotas City; San Jose, Palayan City, Nueva Ecija; Guagua, Pampanga; Basista, Bolinao, Pangasinan; San Francisco, Quezon; at Tarlac City, Tarlac.
Naramdaman din ang lindol sa ilang lugar sa Maynila at Pasay.
Wala nang natukoy na nasira o nasaktan sa nasabing lindol at sinabi ng Phivolcs na wala nang inaasahang aftershock sa mga susunod na araw.
Samantala, may naitala ring paglindol sa lalawigan ng Leyte, dakong alas-3:18 ng hapon na natukoy sa layong pitong kilometro sa timog kanluran ng Burauen, Leyte.
Naramdaman ang Intensity V sa Ormoc City, Leyte; intensity IV sa Albuera, Leyte; intensity III sa Abuyog at Baybay, Leyte; intensity II sa Mahaplag, Dulag, Alangalang at Hilongos, Leyte at intensity I naman sa Borongan City, Eastern Samar at Kananga, Leyte.
May lalim lamang itong isang kilometro kaya malawak ang mga lugar na nakaramdam ng pagyanig.
Tectonic ang pinagmulan nito at wala namang inaasahang malaking pinsala at aftershocks.
Ganap namang alas-5:16 ng hapon nang maitala ang magnitude 3.4 na lindol sa Caramoan, Camarines Sur.
May lalim itong 1 kilometro at nasa layong 018 kms hilagang-silangan ng Caramoan.
