Gobyerno, LGUs, private sector at komunidad magtulong vs dengue — solon

Patuloy ang pagdagsa sa mga ospital ng mga pasyenteng tinamaan ng dengue.

NI NOEL ABUEL

Hinikayat ni Senador Christopher “Bong” Go ang pamahalaan, ang mga local government units (LGUs) at pribadong sektor na magtulungan upang labanan ang pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng dengue sa bansa.

Ayon kay Go, ang chairman ng Senate Committee on Health Christopher “Bong” Go nababahala ito sa pagtaas ng kaso ng dengue sa 15 rehiyon sa bansa at sinabing nalampasan na nito ang kabuuang bilang na naitala noong nakaraang taon.

“Ako ay talagang nababahala sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue sa karamihan ng mga rehiyon sa buong bansa. Lampas na sa mga number of cases ng mga nakaraang taon ang mga naitalang kaso ng dengue sa ngayon,” sabi nito.

Nanawagan din ito sa Department of Health (DepEd) , LGUs, private sector at sa mga komunidad na mahigpit na magtulungan at ipatupad nang mas mahigpit ang pinaigting na 4-S strategy against dengue na  “Search and Destroy”, “Secure Self Protection”,“Seek Early Consultation”at “Say Yes to Fogging”.

“Let us do more in order to unburden further our people who are presently struggling with the COVID-19 pandemic,” ayon sa senador.

Giit pa ni Go, dapat na ituring ng lahat na isang major public health concern ang dengue kung kaya’t dapat na maging malinis ang lahat upang hindi maging breeding grounds ng lamok ang mga nakaimbak na tubig.

Sa datos ng DOH, aabot na sa 64,797 ang naitalang kaso sa buong bansa mula Enero hanggang Hunyo 25 na mas mataas ng 90 porsiyento kung ikukumpara sa nakalipas na taon.

Samantala, nasa 274 indibiduwal ang nasawi na sa dengue  ngayong taon na katumbas ng 0.4 porsiyento ng case fatality rate.

 “Malaki po ang epekto ng malinis na kapaligiran sa pag-iwas natin sa mga sakit. Kaya naman umaapela ako sa mga komunidad natin na panatilihin natin na malinis ang ating kapaligiran, lalo na kapag may stagnant water na pinamamahayan ng mga lamok,” panawagan ni Go.

 Kasabay nito, sinabi ni Go na maaaring gamitin ng mga Filipino ang 151 Malasakit Centers sa buong bansa para magpagamot ng libre.

“Lapitan niyo lang, mayroon kayong Malasakit Center. Kung mayroon kayong kailangan, lapitan ninyo lang ako, ako na ang tutulong sa inyo,” ani Go.

Leave a comment