Dating PCGG chair Sabio pinawalang-sala ng Sandiganbayan

NI MJ SULLIVAN

Pinawalang-sala ng  Sandiganbayan si dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) chairman Camilo Sabio sa tatlong kaso ng malversation of public funds kaugnay ng umano’y kabiguan nitong mag-liquidate ng cash advances na umaabot sa P632,428 na nakuha pagitan ng Disyembre 2008 at Pebrero 2009.

Sa 40-pahinang desisyon na sinulat ni Sandiganbayan Fifth Division Associate Justice Maria Theresa V. Mendoza-Arcega, at kinatigan nina Associate Justices Rafael R. Lagos at Maryann E. Corpus-Mañalac, nagkulang ang prosekusyon sa ebidensya na patunayan na may kaduda-duda sa ginawa ni Sabio.

Ang ikaapat na malversation case na kinasasangkutan ng P350,000 cash advance ay una nang ibinasura ng anti-graft court dahil sa pagiging depektibo sa ebidensya ng prosekusyon tulad ng walang lagda mula sa investigating officer sa sertipikasyon na ang kaso ay sumailalim sa kaukulang preliminary investigation.

Sinabi ng korte na ilang mahahalagang ebidensya na iniharap ng prosekusyon ay walang halaga dahil sa pawang photocopy sa halip na orihinal ang dokumento.

“While not impelling such a degree of proof as to establish absolutely impervious certainty, the quantum of proof required in criminal cases nevertheless charges the prosecution with the immense responsibility of establishing moral certainty, a certainty that ultimately appeals to the person’s very conscience,” sabi ng Sandiganbayan.

Base sa criminal information na isinampa noong 017, inakusahan ng Office of the Ombudsman si Sabio na nabigong i-account ang cash advances na nagkakahalaga ng P250,000 na inilabas noong Disyembre 15, 2008; P100,000 noong Disyembre 23, 2008; at P282,428.03 ng P500,000  inilabas noong Pebrero 3, 2009.

Sa panig naman ni Sabio na hindi ito nakatanggap ng anumang  demand letter mula sa Commission on Audit (COA) na nag-oobliga dito na i-liquidate ang cash advances o ibalik na lamang ang nasabing pera.

Humingi ito ng paumanhin sa hindi nito maalala ang lahat ng dokumento tinukoy sa  kaso partikular ang cash advances sa kadahilanang bilang chairman ng PCGG, ito lamang ang awtoridadong pumirma.

Nilinaw rin nito na ang nasabing halaga ay ginamit lamang bilang operational at litigation expenses.

Sinabi pa ni Sabio na sa kanyang panunungkulan sa PCGG, nabawi ng pamahalaan ang P25.27 biyong halaga mula sa ill-gotten wealth ng pamilya Marcos at ng kanilang close associates.

Binanggit din ng Sandiganbayan na habang napatunayan ng prosekusyon ang unang tatlong kaso  laban kay Sabio, bilang public officer, isa itong responsableng opisyal at ang cash advance ay isang public funds.

Gayunpaman, nanindigan ang korte na ang ebidensya ng prosekusyon ay depektibo at hindi napatunayan na sinamantala ni Sabio na gamitin ang pondo sa kanyang sarili.

Leave a comment