PhilHealth-Region 8 officials tinuluyan ng COA

NI MJ SULLIVAN

Ibinasura ng Commission on Audit (COA) ang inihaing petition for review ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)-Regional Office No. 8 na humihiling na bawiin ang disallowance na inilabas laban sa P7.69 million educational assistance allowance (EAA) na ibinayad sa mga opisyales at empleyado nito noong 2015.

Sa limang pahinang desisyon na inilabas ng COA Commission Proper, pinagtibay nito ang notice of disallowance (ND) na inilabas noong Disyembre 21, 2015 at pinagtibay rin ang natuklasan ng EAA ay walang legal na basehan.

Kasama sa kinasuhan ng paglabag sa ND-2015-003 sina dating PhilHealth president at chief executive officer Alexander Padilla, PhilHealth-RO8 regional vice president Walter Bacareza, fiscal controller Archimedes Villasin, attorney IV Anita Lourdes Oriel, fiscal examiner Benjamin Gabrieles Jr., human resource management officer Emmanuel Montilla, at ang mga tauhan ng regional office.

                Ang COA Corporate Governance Sector (CGS) Cluster 6 ay nanindigan na ang RA 7875, ang batas na lumikha sa PhilHealth, ay hindi nagbibigay ng exemption mula sa administrative issuances o nagbigay sa Board of Directors ng absolute power na ayusin ang kompensasyon ng mga opisyales at tauhan ng nasabing ahensya.

Sinasabing kahit naaprubahan na ang compensation package, kailangan pa rin ng PhilHealth board na makakuha ng pagsang-ayon ng Department of Budget and Management (DBM) at ng Office of the President (OP).

 “Failure to obtain such approval renders the grant thereof without legal basis,” sabi ng COA-CGS.

 Sa kanilang apela, nanindigan ang PhilHealth-RO8 na may fiscal autonomy ang ahensya at si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay dalawang beses na pinagtibay ito sa kanyang liham na may petsang Setyembre 18, 2006 at Marso 7, 2008.

Idinagdag pa nito ang fiscal autonomy ng PhilHealth ay nangingibabaw sa administrative acts, orders o regulations at ang PhilHealth personnel ang nakatanggap na allowances ay nasa good faith.

Ngunit nanindigan ang COA Commission Proper na hindi ito sang-ayon sa sinabi ng PhilHealth.

“The CD (cluster director) correctly ruled that notwithstanding the provisions of the PhilHealth Charter granting authority to the governing board to fix the compensation of its personnel, PhilHealth is duty bound to observe guidelines and policies laid down by existing compensation laws,” sabi ng COA.

Gayundin, ipinag-utos ng komisyon sa Prosecution and Litigation Office na ipasa ang lahat ng audit records ng PhilHealth educational allowances sa Office of the Ombudsman para sa kaukulang imbestigasyon kung may basehan para sampahan ang mga ito ng kasong kriminal laban sa pag-apruba at pagbibigay ng sertipikasyon ng mga opisyales nito.

Inatasan ng COA ang lahat ng nasabing opisyal ng PhilHealth na ibalik ang lahat ng disallowed sum.

Leave a comment