Agrikultura, enerhiya, trabaho nais marinig ni Sen. Padilla sa unang SONA ni PBBM

NI NOEL ABUEL

Tinukoy ni Senador Robinhood “Robin” Padilla na ilan sa nais nitong marinig sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa darating na Lunes, Hulyo 25 ang mga plano sa agrikultura, enerhiya, at trabaho.

Ayon sa senador, gusto ring marinig nito kung ano ang balak ng Pangulo sa iba pang programa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tulad ng anti-drug war at “Build Build Build”.

“Excited ako ano ba sasabihin niya tungkol sa drug war. Anong sasabihin niya tungkol sa ‘Build Build Build.’ Tungkol sa agriculture. Ito dito kami nagkakatugma ni PBBM sa plataporma na dapat buhayin natin ang agriculture. Gusto ko marinig lahat ‘yan,” ayon sa mambabatas sa isang panayam.

“Agriculture, kailangan na natin mag-produce ng sariling pagkain. Trabaho. At higit sa lahat ang sa Saligang Batas,” dagdag nito.

Sinabi pa ni Padilla na nais umano nitong malaman ang programa ng administrasyong Marcos sa kuryente – kasama na ang balak sa paggamit ng nuclear energy – dahil uso pa rin ang brownout sa marami pang lugar tulad ng Occidental Mindoro.

“’Yung tao roon, sinisigaw nila, kailangan namin ng kuryente. Gusto ko malaman ano plano niya rito,” ani Padilla.

Aniya, mismong ang dating pangulo ay sang-ayon na nuclear power plant kung kaya’t mahalaga na malaman kung ano ang plano ng kasalukuyang administrasyon.

“Isipin n’yo panahon ni PFEM brain niya ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Ano ang plano niya? Gusto ko marinig lahat ‘yan,” sabi pa nito.

Leave a comment