Allowance at incentives sa barangay officials at barangay health workers isinulong ni Sen. Go

NI NOEL ABUEL

Nanindigan si Senador Christopher “Bong” Go na makakaasa ang tulong ang mga barangay officials dahil sa mahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga ito.

Ito ang sinabi ni Go kung kaya’t inihain nito ang Senate Bill No. 197 o ang Magna Carta for Barangays at Senate Bill No. 427 na nagsasaad na pagkalooban ng allowances at insentibo ang mga barangay health workers.

“Ang barangay ang pangunahing hanay ng gobyerno na nalalapitan ng mga tao sa kanilang komunidad. Sila ang haligi ng maayos na pagpapatakbo ng bansa at pagpapaabot ng serbisyo sa mga nangangailangan. Sila ang takbuhan, ang first responders, at ang may alam ng tunay na kalagayan sa baba,” paliwanag ni Go.

“Kung kaya’t dapat mas lalong palakasin ang kanilang kakayahan at maalagaan ang kanilang kapakanan,” dagdag pa nito.

Kinikilala aniya nito ang pagsisikap ng mga barangay officials para maisaayos ang mga nasasakupan ng mga ito kung kaya’t dapat na makatanggap din ang mga ito ng benepisyo na kahalitulad na ibinibigay sa mga regular government employees.

“We all know that the barangay and its officials are the immediate provider of frontline services to our fellow countrymen. Sila ang pinakaunang tinatakbuhan ng ating mga kababayan. And it is because of this reason that we have to further improve the barangays and address the woes of our barangay officials,” aniya pa.

Sa ilalim ng SB 197, ang mga barangay officials ay ituturing na regular government employees at ang mga punong barangay, miyembro ng Sangguniang Barangay, ang Sangguniang Kabataan chairperson, ang barangay secretary at barangay treasurer ay makakatanggap ng suweldo, allowances tulad ng hazard pay,  transportation allowance, 13th month pay at iba pang benepisyo na tulad ng tinatanggap ng mga regular government employees.

Bibigyan din ng awtoridad ang Sangguniang Barangay na tukuyin ang tamang bilang ng mga kinakailangang barangay tanods na may permanent status na tatanggap din ng honoraria, allowances at iba pang benepisyo.

 Ang lahat naman ng barangay ay makakatanggap ng basic priorities tulad ng pagtatayo ng pasilidad gaya ng maiinom na tubig sa bawat 1,000 residente; public transportation, kindergarten, ang elementary school sa bawat barangay, at high school sa bawat limang kilometro mula sa barangay center; health center at barangay hall.

Samantala, sa SB 427, bibigyan ng buwanang allowance na P3,000 ang lahat ng barangay health workers maliban pa sa beneosyo at pribilehiyo at security of tenure.

“Dapat gawing mandatory ang posisyon ng mga barangay health workers at ayusin ang kanilang mga benepisyo,” sabi pa ni Go.

Leave a comment