
NI NOEL ABUEL
Nagsagawa ng kilos-protesta sa labas ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang ilang mga guro na nananawagan na madaliin ang pagpasa sa panukalang batas na naglalayong dagdagan ang sahod at budget ng edukasyon.
Pinangunahan ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang nasabing protesta para kalampagin ang mga kongresista na iprayoridad ang pagpasa sa House Bill 203 para sa dagdag-sahod ng mga guro at House Bill 1783 na naglalayong dagdagan ang pondo ng edukasyon ng 6 porsiyento ng gross domestic product.
“Nagtaasan na ang lahat ng bilihin at tataas pa muli ang mga ito sa susunod na mga araw, pero ‘di pa rin tumataas ang sahod ng mga guro. Nasa 6.1% na ang inflation, mahigit P30 kada litro na ang itinaas ng diesel, gasolina at kerosine mula Enero, at bagsak ang halaga ng piso. Ganito na kalala ang ekonomiya ng bansa, panahon na para itama ang distorsyon sa pasweldo ng pamahalaan kung saan napag-iwanan na ng ibang propesyunal ang sahod ng mga guro ,” sabi ni Vladimer Quetua, chairperson ng ACT Philippines.
“Nabudol na kami ng pamahalaang Duterte, sana naman ngayon ay pakingggan kami ng bagong administrasyon hinggil sa hirap na dinadanas ng mga guro at ang pangangailangang ng makabuluhang pagtaas sa kanilang sahod,” dagdag nito.
Naiinggit umano ang mga ito sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na naging doble ang sahod habang ang mga guro ay kakarampot lamang ang idinagdag sa suweldo sa mga ito.
“To date, only cops and soldiers’ pay were doubled to at least Php29,668 while teachers were only given around Php1,500 annual increase through the Salary Standardization Law (SSL) V. Nurses, on the other hand, received a favorable ruling from the Supreme Court in 2019 which raised their entry-level pay to salary grade 15—coming to a monthly Php 35,097 in 2021. These effectively left teachers behind as they only receive Php25,439 in salaries per month for Teacher I,” giit ng mga guro.
