
NI NOEL ABUEL
Pinarerepaso ni Senador Win Gatchalian ang K to 12 system kasunod ng ulat na lalong dumarami ang bilang ng mga Pilipinong hindi kuntento sa naturang programa.
Inihain ni Gatchalian ang Resolution No. 5 na nagsusulong ng pagrepaso ng Senado sa pagpapatupad ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law (Republic Act No. 10533)–sampung taon matapos ipatupad sa school year 2012-2013 ang enhanced curriculum para sa K to 12.
Ang panukalang pagrepaso ay isa sa mga prayoridad ni Gatchalian para sa 19th Congress at isa sa kanyang mga pangako nitong nagdaang kampanya.
Ayon sa senador, base sa Pulse Asia Survey na isinagawa noong Hunyo 24-27 na may 1,200 kalahok, lumalabas na 44 na porsyento ang dissatisfied o hindi kuntento sa programa.
Kinomisyon ni Gatchalian ang survey na isinagawa nitong Hunyo, mas mataas ito ng 16 na porsiyento kung ihahambing sa isang survey na isinagawa noong Seteymbre 2019, kung saan lumalabas na wala pang 28 porsyento ang nagsasabing hindi sila kuntento sa sistema ng K to 12.
Lumabas din sa survey nitong Hunyo na bumagsak ng 11 percentage points ang satisfaction rate o pagiging kuntento ng mga Pilipino sa K to 12 system kung ihahambing sa survey na isinagawa noong Setyembre 2019.
Bagama’t 50 porsyento umano ng mga kalahok sa survey noong Setyembre 2019 ang kuntento sa programa, wala pang apatnapung (39) porsyento sa mga kalahok ng survey ngayong taon ang nagsabing kuntento sa programa.
Isa ring survey na kinomisyon ni Gatchalian noong December 2019 ang nagsabing sa mga hindi kuntento sa programa ng K to 12, ang pagkakaroon ng dagdag na gastos ang pangunahing dahilan na umabot sa 78 porsyento.
“Malinaw sa boses ng ating mga kababayan na hindi sila kuntento sa programa ng K to 12. Ito ay dahil hindi natutupad ang mga pangako nito at naging dagdag na pasanin lamang ito sa ating mga magulang at mga mag-aaral,” ani Gatchalian.
Sa isang discussion paper na inilabas ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2020, lumalabas na 20 porsiyento lamang sa mga nagtapos ng senior high school (SHS) ang sumali sa labor force samantalang nagpatuloy sa kolehiyo ang nasa 70 porsyento.
Matatandaang isa sa mga pangako ng K to 12 program ang mas magandang pagkakataong makahanap ng trabaho para sa mga magtatapos ng senior high school.
“Dapat nating suriin nang husto ang pagpapatupad ng K to 12 upang matiyak na natutupad nito ang layuning makapaghatid ng dekalidad na edukasyon at isulong ang pagiging competitive ng ating mga kabataan,” pahayag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
