
NI NOEL ABUEL
Pinatitiyak ng isang senador sa pamahalaan na hindi maaapektuhan ang mga masisipag at karapat-dapat na empleyado ng pamahalaan sa plano nitong pagpapatupad ng rightsizing sa mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., bagama’t suportado nito ang pamahalaan sa rightsizing ng burukrasya, hindi naman dapat aniyang maapektuhan ang mga karapat-dapat na empleyado ng pamahalaan at hindi dapat malagay sa alanganin ang kanilang mga hanapbuhay.
“The plan of the government’s economic managers to introduce a policy that will rationalize the bureaucracy by reorganizing agencies that have overlapping and redundant functions that will make the delivery of public services more efficient and better coordinated is laudable. However, it should not be done at the expense of hardworking government employees whose jobs will be put at risk,” paliwanag pa ni Revilla.
Ang pagbabawas umano ng empleyado ng pamahalaan, kabilang na ang civil servants at contractual workers, ay hindi dapat puntiryahin na basta na lamang alisin para lamang sa planong rightsizing ng pamahalaan.
“Kung bawas gastusin lang ang pakay, dapat ay ituon ang pagsasaayos at pag-uusog ng mga empleyado depende pa rin sa performance, lalo na kung talagang kapaki-pakinabang sa pamahalaan at hindi dahil sa aabutin lamang ng nais nilang ipatupad na rightsizing,” sabi pa ng senador.
Sa halip, dapat aniya ay palaging nauuna ang kapakanan ng mga tao, dahil sa kabuuan nito ang umiiral na polisiya ng pamahalaan ay sa pamamagitan ng pagsunod pa rin sa pinakamatas na batas.
“Tayo sa Senado ay patuloy na makikipagtulungan sa gobyerno upang mas mapaganda pa natin ang serbisyo natin para sa mga mamamayan, ngunit kaakibat rin ang patuloy na pagpoprotekta sa kapakanan ng bawat Pilpino. Makakaasa po kayo na katuwang ninyo ako sa pagsulong sa maka-taong mga polisiya tungo sa isang bukas kung saan habang sumusulong ang ekonomiya ay kasabay na aangat ang antas ng pamumuhay ng bawat isa. Huwag po kayong mag-alala dahil ang adbokasiya ng inyong abang lingkod ay ang masigurado na dapat ang laging nangunguna ay ang kapakananan ng taumbayan,” paliwanag pa ni Revilla.
