
Ni MJ SULLIVAN
Ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon na inihain ng mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na humihiling na bawiin ang warrant of arrest at payagang makapagpiyansa kaugnay sa kasong plunder.
Sa resolusyon na inilabas noong Hulyo 18, ibinasura ng Second Division ng anti-graft court ang motion to dismiss na inihain ni DPWH Bureau of Equipment assistant director Florendo Buñag, mga empleyado ng DPWH na sina Rogelio Beray, Melissa Espina at Violeta Tadeo, at mga negosyante ng spare parts ng sasakyan na sina Rodellia Uy at Victoria Go.
Ibinasura rin ang mosyon para makapagpiyansa na inihain ng private defendant na si Conchita dela Cruz at pleading para sa pagbawi ng warrant of arrest na inihain ng mga negosyanteng sina Romeo Fullido at Nonette Fullido.
Sa pagtanggi ng piyansa, sinabi ng korte na ang nakabinbing kaso ay may kasamang capital offense para sa plunder na walang kaukulang piyansa.
“(T)he court cannot fix bail because the offense charged is punishable by reclusion perpetua,” ayon sa Second Division.
Gayundin, binalewala ng korte ang mga hamon sa validity ng impormasyon na binanggit ang desisyon ng Korte Suprema noong Disyembre 10, 2014 na nagpatibay sa natuklasan ng Office of the Ombudsman na may probable cause para kasuhan ang lahat ng nasasakdal para sa kasong plunder.
Kasama sa orihinal na kinasuhan sina DPWH Motorpool Section chief Maximo A. Borje, Jr., Administrative and Manpower Services director Burt B. Favorito, assistant director Florendo B. Arias, at mga empleyadong sina Erdito Q. Quarto, Agerico C. Palaypay, Napoleon S. Anas, Danilo C. Planta, Luisito S. Dela Rosa, Rogelio L. Beray, Norma A. Villarmino, Ricardo M. Juan, Jr., Nelson Umali, Maria Luisa T. Cruz, Melissa T. Espina, Violeta R. Tadeo, Jessica J. Catibayan, Violeta C. Amar, Ronaldo G. Simbahan, Felipe A. San Jose, at Rolando C. Castillo.
Habang ang private defendants naman ay ang mga negosyante na sina Conchita N. Dela Cruz, Janette A. Bugayong, Jesus D. Capuz, Rodellia D. Uy, Romeo C. Fullido, Nonette H. Fullido, Victoria M. Go, Carmelito V. Edem, Augusto C. Capuz, at Vicente Santos, Jr.
Natukoy ng prosekusyon ang 4,406 na tseke na inisyu na pinambayad para sa dapat na pag-aayos at pagbili ng mga piyesa ng sasakyan na nagkakahalaga ng P82.322 milyon. Ang lahat ng mga tseke ay naglalaman lamang ng isang pangalan bilang nagbayad, ang akusadong si Borje.
Gayunpaman, sinabi ng mga graft investigator na ang pagkukumpuni sa mga sasakyan ng DPWH ay kathang-isip lamang at ang pagbili ng mga pamalit na piyesa ay “ghost purchases” dahil natukoy ang mga transaksyon ay mga pekeng dokumento kabilang ang job order, pre-repair inspection reports, post-repair inspection reports, requisition for supplies, certificates of emergency repair, waste material reports, certificates of acceptance price verifications, at disbursement vouchers.
Ang akusadong si Dela Cruz ay humingi ng humanitarian consideration dahil ito ay 67 taong gulang na kaya dapat isaalang-alang ng mahinang kondisyong pangkalusugan na maglalagay sa kanya sa peligro ng pagkulong, lalo na sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nangatuwiran ang abogado nito na ang parehong mga batayan na ginamit sa pagbibigay ng piyansa kay Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ay dapat ibigay dito – na ang pagkakulong ay maglalagay sa panganib sa buhay ng nasasakdal at makasasama sa kanyang kalusugan.
Ngunit sinabi ng Sandiganbayan na wala itong nakitang patunay na mahina ang kalusugan ni Dela Cruz anuman ang kanyang katandaan.
“The length of time it took for the Supreme Court to resolve the petition for certiorari until the issuance of the Entry of Judgment cannot be characterized as violative of the constitutional right of the accused to speedy disposition of cases,” sabi ng Sandiganbayan.
