Nakumpiskang mamahaling chainsaw ipinagkaloob ng BOC sa DENR

NI NERIO AGUAS

Ipinagkaloob ng Bureau of Customs-Port of Batangas sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) CENRO Lipa ang isang  unit ng Husqvarna Chainsaw na nakumpiska ng ahensya.

Personal na tinanggap ni Primitivo A. Buagas at Flordeliza M. Olave, ng DENR Lipa ang nasabing chainsaw na nakatago sa Auction and Cargo Disposal Unit ng nasabing pantalan.

Ayon sa BOC, dumating sa Port of Batangas noong Hunyo  22, 2021 ang MV ANDROUSA 123N na nanggaling sa France at may dalang kargamento na idineklarang personal effects.

Subalit nang dumaan sa physical examination ng BOC ay nakita ang chainsaw na hindi idineklara at walang maipakitang permit mula sa DENR.

Iniutos ni District Collector Atty. Ma. Rhea M. Gregorio ang Warrant of Seizure and Detention laban sa nasabing kargamento sa bisa ng Section 117 at 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act, in relation to Republic Act 9175 o mas kilalang “Chain Saw Act of 2002”.

Sinabi pa ni Gregorio na tinitiyak nito sa publiko na patuloy ang pagsasagawa ng BOC ng mahigpit na pagbabantay sa borders ng Pilipinas upang maprotektahan sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na kargamento at masugpo ang smuggling.

Leave a comment