
NI NOEL ABUEL
Isinusulong ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagtatayo ng mandatory drug rehabilitation centers sa buong bansa upang tuluyang mawala ang mga drug addict at mabawasan ang nangyayaring krimen at kurapsyon.
Muli nitong inihain ang Senate Bill No. 428 na naglalayong magtayo ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa lahat ng probinsya sa Pilipinas.
“Kapag nako-contain mo ‘yung illegal drugs, kasama na diyan ‘yung criminality at ‘yung kurapsyon. ‘Pag lumala ‘yung drugs, babalik ‘yung criminality, at tataas ‘yung korapsyon — makokorap na po ‘yung tao,” sabi ni Go.
“Nakikita naman po sa datos na napakarami na po talaga ang nasira ang buhay nang dahil sa iligal na droga. Huwag po natin sayangin ang inyong bukas at gumawa na lang po ng tama. Kaya kung kinakailangan ninyo po ng tulong, sabihan ninyo lang po kami,” dagdag nito.
Sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mula Pebrero 2022, aabot na sa 331,694 ang nadakip na may kinalaman sa illegal na droga sa isinagawang 229,868 drug war operations simula Hulyo 2016.
Ipinagmalaki ng PDEA na kasama sa mga naaresto ng mga ito ang nasa 15,096 high-value targets kung saan nakumpiska ang nasa P89.9 bilyong halaga ng illegal drugs kabilang ang P76.17 bilyong halaga ng shabu.
Ngunit sa kabila umano nito, sinabi ni Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, na ang krimen na may kinalaman sa illegal na droga ay hindi nilulutas ang lahat ng problema ng bansa kung hindi bibigyang diin ang pagsasailalim sa rehabilitasyon.
“Isa sa mga ipinagbilin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa akin ay ang ipagpatuloy ang laban kontra sa ilegal na droga, pati na rin ang laban sa kurapsyon at kriminalidad. Umaasa tayo na sa pagpasok ng susunod na administrasyon ay mas mapapalakas pa ang kampanyang ito upang tuluyang mabigyan ng mas ligtas at komportableng buhay ang mga Pilipino,” paliwanag pa ng senador.
“Drug addicts should be treated as victims in desperate need of medical, psychological, and spiritual assistance, with the goal of reintegrating back into society as healthy and productive citizens,” ayon pa kay Go.
At upang mapalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga ay inihain ni Go ang Magna Carta para sa dagdag benepisyo ng mga tauhan at opisyales ng PDEA.
