DPWH at MMDA pinaiimbestigahan ni Senador Revilla

Senador Ramon Revilla Jr.

Ni NOEL ABUEL

Nais na paimbestigahan ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Senado ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) at iba pang ahensiya ng pamahalaan na sa kabila ng flood control management master plan ng pamahalaan at bilyun-bilyong taunang pondo inilaan dito ay tila hindi na sapat ang kanilang sistema at paghahanda dahil patuloy pa ring nalalagay sa delikadong sitwasyon ang buong bansa sa tuwing darating ang tag-ulan.

Ayon sa senador, ipinagmalaki ng DPWH ang kabuuang 13,224 flood control structures sa buong bansa sa nagdaang anim na taon, at inihayag din ng MMDA na ang mga pumping stations sa buong National Capital Region (NCR) ay handang-handa na may “100 percent” capacity para sa darating na tag-ulan.

Ang DPWH at MMDA kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan ay inatasang ipatupad ang ‘Flood Management Master Plan for Metro Manila and Surrounding Areas Project’ sa pakikipagtulungan ng mga local government units (LGUs).

Nais ni Revilla na ang mga nabanggit na ahensiya ay magpaliwanag kung ano na ang kasalukuyang kalagayan ng kanilang plano upang hindi na maulit ang biglaang pagbaha na naganap kamakailan lang, at ang lumalalang sitwasyon pa ng pagbaha hindi lang sa Metro Manila kung sa ibang bahagi pa ng bansa.

“Mahalaga na maging maagap tayo at siguraduhing handa ang bayan bago pa man tumama ang sakuna. Hindi puwedeng sasabihin nilang handang-handa tapos hindi pala, paulit-ulit ang problema sa pagbaha at kaawa-awa ang ating mga kababayan kaya dapat tayong kumilos agad bago pa mahuli ang lahat,” giit pa ni Revilla.

Aniya, dumagsa  ang mga video clips ng trahedya sa social media na nagpapakita ng rumagasang baha na naging dahilan ng mabigat na daloy ng trapiko at pagka-stranded ng mga commuters.

Dahil dito, paiimbestigahan ni Revilla sa Senado ang nasabing usapin hinggil sa kasalukuyang kalagayan at kung epektibo ang umiiral na flood control master plan ng pamahalaan, kasama na rin ang mga nakatenggang flood control projects.

Bagama’t hindi naman umano bago sa mga Pilipino ang makaranas ng pagbaha, sinabi ni Revilla na tila mas lumalala ang problema sa paglipas ng mga taon, lalo na at nakararanas na ang mundo ng epekto ng climate change kung kaya’t may mga lugar na bagaman hindi binabaha noon, ay napeperhuwisyo na ng baha ngayon.

Ayon sa senador, delikado ang ganitong sitwasyon lalo’t siguradong naapektuhan nito hindi lang ang buhay at kabuhayan ng taumbayan, kundi ang kanilang kaligtasan.

Dahil umano sa geographical position ng ating bansa, humigit-kumulang sa 20 bagyo ang dumadaan sa ating Area of Responsibility (AOR) taun-taon at karaniwan, bukod sa dalang malakas na hangin ng bagyo ay may bitbit ding malakas na pagbuhos ng ulan kaya lantad ang maraming lugar sa pagbaha.

“Ilang ulit na tayong nakaranas ng grabeng sakuna dahil sa matinding pagbaha, natatandaan natin ang bagyong Ondoy, Yolanda at Ulysses na nag-iwan ng matinding alaala sa ating mga kababayan dahil sa dami ng nasawi at nasirang kabuhayan na labis na nakaapekto sa ekonomiya ng bansa” ani Revilla.

Leave a comment