
NI NOEL ABUEL
Vape bill pinabi-veto ng mga senador at health groups
Nagsusumamo ang ilang senador at grupo ng mga doktor kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tuluyang i-veto ang Vape Bill dahil sa wala namang itong idinudulot na mabuti sa kalusugan ng mga gumagamit nito partikular ang mga kabataan.
Sa isang pulong baliitan, nanawagan sina Senador Pia Cayetano at Senador Alan Peter Cayetano at ng mga grupo ng mga doktor at legal expert kay Pangulong Marcos na pakinggan at pag-aralan ang tunay na epekto ng vape sa kalusugan ng mga Filipino.
Aniya, nanganganib ring maraming kabataan ang malulong sa masamang bisyo lalo na at mula sa dating 21-anyos ang ginawang 18-anyos ang maaaring makabili at gumamit nito.
“I-veto ang Vape Bill!” ito ang nagkakaisang panawagan ng magkapatid na Cayetano at nina Dr. Erric Cinco, ng pangulo ng Philippine Hearth Association Inc., Dr. Maria Corazon Avanceña, ng Philippine Academy of Pediatric Pulmonologists at Task Force on Environmental Hazard, Dr. Ulysses Dorotheo, ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance (SEATCA) at Atty. Benedict Nisperos, ng Health Justice Philippines at iba pang health sectors.
Babala pa ng mga ito, pahihinain anila ng Vape Bill ang kasalukuyang regulasyon ng gobyerno sa pamamagitan ng paglilipat ng awtoridad sa e-cigarettes mula sa Food and Drug Administration (FDA) patungo sa Department of Trade and Industry (DTI).
Anila, hihikayatin ng Vape Bill ang mga kabataan na malulong sa e-cigarettes sa pamamagitan ng pagpapababa ng ‘minimum age of access’ sa naturang mga produkto, mula sa 21 taong gulang sa ilalim ng Sin Tax Law tungo sa 18 taong gulang.
Idinagdag pa ng mga doktor na pahihintulutan din anila ng Vape Bill ang pagbebenta ng iba’t ibang vape flavors para maakit ang mga kabataan na taliwas sa kasalukuyang regulasyon na naglilimita lamang sa dalawang flavors ng vapes, kabilang ang plain menthol at plain tobacco.
Sinabi ni Senador Alan Cayetano na mariin nitong tinututulan ang probisyon ng Vape Bill dahil sa binabaan nito ang edad na maaaring makabili ng vape mula 21-anyos ay magiging 18-anyos na.
“This means that even senior high school students can buy and use vape. Just because is less harmful, will we expose our 18-year old to a gateway drug,”? tanong nito.
Magugunitang noong bago bumaba ng puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte ay nanawagan din sina Pia Cayetano at grupo ng mga doktor na i-veto na Hunyo 24, 2022 ang opisyal na nai-transmit ng House of Representatives ang enrolled copy ng Vape Bill sa tanggapan ng Pangulo sa Malacañang.
Nauna na ring nagpahayag ng suporta sa panawagang i-veto ang Vape Bill ng ilang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of Health (DOH), FDA, at maging ang Department of Education (DepEd).
