
NI MJ SULLIVAN
Ibinasura ng Sandiganbayan Seventh Division ang inihaing motion to quash ng tatlong opisyal ng Bureau of Immigration (BI) kabilang sa 50 BI pressonel na nahaharap sa “pastillas scam” graft case.
Sa inilabas na resolusyon ni Associate Justice Zaldy V. Trespeses at sinegundahan nina Associate Justices Georgina D. Hidalgo at Presiding Justice Amparo M. Cabotaje-Tang, ibinasura ng anti-graft ang argumento nina Immigration Officers Anthony “Al” D. Lopez, Francis Dennis T. Robles, at Erwin S. Ortañez na dapat isantabi ang kaso ng mga ito sa kadahilanang nang isampa ng Office of the Ombudsman noong Hunyo 6 ay wala na sa hurisdiksyon nito.
Argumento ng tatlong akusado, wala sa 50 opisyal at tauhan ng BI na kinasuhan ang nasa ilalim ng Salary Grade 27 na nagbibigay sa Sandiganbayan ng hurisdiksyon para magsagawa ng paglilitis sa kaso.
Kabilang sa mga ito, ang dating pinakamataas na opsiyal ng BI na si Marc Red Mariñas na itinalagang officer-in-charge ng Office of the Deputy Commissioner for the BI Port Operation Division, ngunit binanggit ng mga akusado na ang kanilang posisyon ay Immigration Officer II na mababa sa Salary Grade 27.
Dagdag pa ng tatlong akusado, dahil hindi naging permanente ang puwesto ng Deputy Commissioner, nagkamali sa korte na isinampa ang kaso.
Ang tatlong akusado ay kabilang sa 50 BI officers at isang pribadong indibiduwal ay inakusahang tumanggap ng bribe money para mapadali ang pagpasok sa bansa ng illegal na dayuhan na karamihan ay Chinese nationals sa pagitan ng taong 2017 hanggang 2020.
Binigyan umano ng mga akusado ng VIP processing ang 143 foreign nationals na nagbayad ng P10,000 bawat isa at nakalusot sa Ninoy Aquino International Airport Terminals 1 at 2.
Sa pagtanggi sa mosyon ng depensa, kinatigan ng Sandiganbayan ang paninindigan ng prosekusyon na ang anti-graft court ang may eksklusibong hurisdiksyon sa kaso at inihain ito ng Office of the Ombudsman sa tamang korte.
Tinukoy ng anti-graft court ang Section 4 (a) ng RA 10660 na ang inakusahang public official ay hindi kinakailangang may permanent position dahil kasama sa batas ang mga naglilingkod bilang acting o interim capacity.
“The fact that Marinas’s appointment did not become permanent is of no moment. There is no doubt that Marinas’s designation as officer-in-charge is either in an acting, or interim capacity. Precisely, within the jurisdiction of this Court,” sabi ng Sandiganbayan.
Sa hiwalay na utos noong Hunyo 6, iniutos ng Ombudsman ang pagsibak sa government service ang 45 BI officers na aktibo pa ring nagtatrabaho sa ahensya kasama sina Lopez, Robles, at Ortañez.
