Bantang krisis sa pagkain dapat nang solusyunan – Sen. Revilla

Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. (File photo)

Ni NOEL ABUEL

Ngayon pa lamang ay dapat nang maghanda ang pamahalaan sa hinggil sa nagbabadyang krisis sa supply ng pagkain na mararanasan umano ng buong mundo sa huling bahagi ng taong 2022.

Ito ang sinabi ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. kung kaya’t inihain nito ang Senate Bill No. 30 o ang “Right to Adequate Food Act” bilang paghahanda sa nagbabadyang krisis ng pagkain sa bansa upang mas maaga itong matugunan sakaling magiging isa na itong ganap na batas.

Una nang nagbabala si dating Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar hinggil sa nagbabadyang krisis sa supply ng pagkain na mag-uugat umano sa patuloy na COVID-19 pandemic at napakatagal nang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia na labis na nakaapekto sa exportation ng agricultural commodities at pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Nakapaloob sa naturang panukala ang pagpapatupad ng mandato sa gobyerno na matiyak sa loob ng 2.5 taon matapos itong maisabatas, ang insidente ng gutom ay mabawasan ng 25% mula sa pamantayan na una itong maranasan at panibagong 25% makaraan ang 5 taon; panibagong 25% makaraan ang 7.5 taon, hanggang sa maging 0% na ang insidente ng gutom.

Ipinaliwanag ni Revilla na upang matugunan ng direkta ang kakulangan sa pagkain ay mahalagang tiyakin ang agricultural stability ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas sa lokal na produksiyon.

“Ang global food supply shortage na nakakaapekto sa atin ngayon ay beyond our control dahil ito ay dictated ng global market forces. Pero kung itataas natin ang local production ng agricultural goods, mas magiging self-reliant tayo at mapapanatili ang abot-kayang presyo ng pagkain,” dagdag pa ni Revilla.

Nauna rito ay isinumite rin ni Revilla ang “Pantawid Magsasakang Pilipino Act” na naglalayong mabigyan ng conditional cash transfer ang mga mahihirap na magsasaka ng palay na magmumula sa taunang kita ng taripa mula sa importasyon ng bigas na labis sa P10 bilyong piso, depende sa bilang ng karapat-dapat na benepisyaryo.

“Kung maisasabatas agad ito ay maraming magsasaka ang makikinabang at mas lalong sisipagin para palaguin pa ang produksiyon ng palay, patibayin natin ang sektor na ito upang maging katuwang sila ng pamahalaan sa pagtugon sa krisis sa pagkain. Kakampi natin ang mga magsasaka, at kasangga nila tayo tungo sa mas maraming produksyon at maayos na kita”, ani pa ni  Revilla.

Buo ang pag-asa ni Revilla na ang dalawang panukalang nabanggit ay agad na maisasabatas upang matugunan umano ang nagbabadyang krisis sa bansa at marating ang kasaganaang minimithi ng bawat Pilipino.

 “Gutom at malnutrisyon ang kikitil sa marami kaya kailangan ng agarang aksiyon at dapat ngayon na,” sambit pa ni Revilla.

Leave a comment