Medical marijuana suportado ni Sen. Padilla

NI NOEL ABUEL

Isinusulong ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla na payagan na ang paggamit ng medical marijuana o cannabis at sa mas malawak na pananaliksik dito bilang gamot.

Sa Senate Bill 230 na inihain nito, matagal na aniyang ginagtamit ang marijuana bilang herbal medicine para sa mga karamdaman tulad ng gout, rheumatism, at malaria.

Nguni’t iginiit din ni Padilla na dapat magkaroon ng parusa sa pag-abuso ng marijuana.

“The State should, by way of exception, allow the use of cannabis for compassionate purposes to promote the health and well-being of citizens proven to be in dire need of such while at the same time providing the strictest regulations to ensure that abuses for casual use or profiteering be avoided,” ayon sa mambabatas.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang medical cannabis – na produkto na tulad ng capsule at oil at hindi ang raw cannabis – ay gagamitin para sa “debilitating medical condition” ng mga kuwalipikadong pasyente.

Ang “debilitating medical condition” ay limitado sa cancer, glaucoma, multiple sclerosis, damage sa nervous system ng spinal cord, epilepsy, HIV/AIDS, rheumatoid arthritis or similar chronic autoimmune deficiency, sakit na nangangailangan ng hospice care, severe nausea, sleep disorders, mood disorders, recurring migraine headaches, at iba pang debilitating medical condition, ayon sa Department of Health sa pamamagitan ng Medical Cannabis Advisory Committee.

Magiging principal regulatory agency ang Department of Health (DOH) na magtatayo ng Medical Cannabis Compassionate Center (MCCC) sa public tertiary hospitals at gagawa ng Prescription Monitoring System at electronic database ng registered medical cannabis patients at physicians.

Habang ang Food and Drug Administration (FDA) ang magte-testing sa medical cannabis product, habang ang Dangerous Drugs Board (DDB) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang magmo-monitor at magre-regulate ng medical cannabis.

Samantala, ang DOH ang mag-i-issue ng registry ID cards sa qualified medical cannabis patients.

May mga inilatag namang safeguards sa panukalang batas ni Padilla upang tiyaking hindi maaabuso ang marijuana tulad ng  12 taong kulong at multa hanggang P10 milyon sa qualified patients na mag-aabuso ng cannabis; o magbibigay o magbebenta ng medical cannabis.

Habang 12 taong kulong at multa hanggang P10 milyon para sa opisyal o miyembro ng MCCC na mag-dispense ng medical cannabis nang walang written certification ng certifying physician o registry ID card ng qualified patient.

At 12 taong kulong din at multa hanggang P10 milyon sa magpepeke ng ID card o S2 license para makakuha ng medical cannabis at  20 taong kulong at multa hanggang P10 milyon para sa doktor na nag-certify at prescribe ng medical cannabis na walang S2 license o nag-prescribe para sa pasyenteng hindi kuwalipikado – o nag-prescribe ng cannabis para sa sarili o sa kamag-anak hanggang fourth civil degree of consanguinity or affinity.

Leave a comment