
NI NOEL ABUEL
Umapela si Senador at Senate Committee on Health chairman Christopher “Bong” Go sa publiko na huwag magpakampante at samantalahin ang ibinibigay na bakuna ng pamahalaan bilang panlaban sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
“Mayroon ngang naiulat na 2,074 new infections of COVID-19 at hindi pa kasama diyan ‘yung mga hindi idini-declare,” sabi ni Go sa ambush interview matapos mamahagi ng tulong sa mga mahihirap na residente ng Davao City.
“Maaaring ito na po ‘yung pagko-cope up natin sa makabagong normal natin na tini-treat na nila na isa sa mga common colds o sakit ang COVID-19,” dagdag nito.
Aniya, dahil din sa pabagu-bagong panahon, marami rin ang tinatamaan ng sakit tulad ng ubo at sipon kung kaya’t mahalagang mabakunahan at magpa-booster na ang mga hindi pa nagpapabakuna.
“But, huwag tayong maging kumpiyansa dahil habang nandidiyan pa si COVID, delikado pa po. The more we should intensify our vaccination efforts,” ayon pa sa senador.
Ayon sa Department of Health (DOH) on Thursday, sa kasalukuyan ay umabot na sa 22,000 ang active COVID-19 infections sa bansa.
Kabilang sa pinakamaraming nakapagtala ng maraming kaso ng COVID-19 ang Metro Manila na may 10,636 kaso, sinundan ito ng CALABARZON na mayroong 6,167, at Central Luzon na 2,821.
“Ang bakuna po ang tanging susi at solusyon para makabalik tayo sa normal na pamumuhay. Wala na pong iba. As Senate Committee on Health Chair, nananawagan po ako sa ating Department of Health na suyurin po ‘yung dapat suyurin. Marami pang hindi bakunado sa mga liblib na lugar kasi wala po silang access,” sabi pa ni Go.
“Huwag nating sayangin ang ating mga bakuna. Mag-encourage tayo, bigyan natin ng insentibo na magpabakuna ‘yung hindi bakunado, ‘yung hindi pa nakapag-booster shots dahil masasayang po ang mga bakuna,” dagdag nito.
