Rep. Martin Romualdez hinirang na bagong House Speaker ng 19th Congress

NI NOEL ABUEL

Tulad ng inasahan ay nakuha ni Leyte Rep. Martin Romualdez ang malaking boto para makuha ang pinakamataas na posisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong 19th Congress.

Sa botong 283 pabor, habang 22 naman ang hindi bumoto, 1 ang tumutol at 4 ang nag-abstain, walang dudang nakuha ni Romualdez ang tiwala at suporta ng higit na nakararaming kongresista para maging ika-24 na House Speaker sa Kamara.

Si Romualdez, na walang lumaban sa nasabing posisyon, at pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), ay naging majority leader sa loob ng tatlong taon ng nakalipas na 18th Congress.

Umugong ang palakpakan nang manumpa si Romualdez bilang House Speaker kay Tarlac Rep. Jaime D. Cojuangco, kasama ang asawa nitong si Tingog party list Rep. Yedda Marie K. Romualdez, at mga  anak na sina  Andrew, Marty, Minxie, at Maddey.

Naging saksi rin sa panunumpa bilang bagong lider ng Kamara ni Romualdez ang ina nitong si Juliette Romualdez; Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos, anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.; Philip Romualdez at asawang si Sandy Prieto.

Uupo namang House Majority Leader si Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe makaraang i-nominate ni Cavite Rep. Lani Revilla.

Si Marcos naman ang nag-nominate kay Romualdez bilang Speaker at sinegundahan nina Batangas 6th District Rep. Ralph G. Recto, Davao City Rep. Isidro T. Ungab (Lakas-Christian Muslim Democrats), Antipolo City 1st District Rep. Roberto V. Puno (National Unity Party), Las Piñas City Rep. Camille A. Villar (Nacionalista Party), Ilocos Sur Rep. Kristine Singson-Meehan (Nationalist People’s Coalition), Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) party list Rep. Raymond Democrito C. Mendoza, at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales (PDP-Laban), Jr.

Sa kabila naman na hindi nakadalo si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, dahil nagpositibo sa COVID-19, nahalal naman ito bilang senior Deputy Speaker.

Habang uupo ring deputy speakers sina Ungab, Puno, Villar, Singson-Meehan, at  Mendoza.

Samantala, nahalal naman bilang House Secretary General si Reginald “Reggie” Velasco at si retired PMGEN. Napoleon C. Taas bilang Sergeant-at-Arms.

Naging saksi naman si Vice President Sara Duterte sa eleksyon ni Romualdez bilang Speaker.

Leave a comment