
NI NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagkabahala ang isang kongresista na malaking suliranin ang kaharapin ng mga guro at mga estudyante sa darating na pagbabalik sa eskuwelahan sa pamamagitan ng face-to-face.
Ayon kay Pinuno party list Rep. Howard Guintu, ang pagpapatibay ng sistema ng edukasyon sa bansa ay isa rin sa pangunahing programa nito at malaking hamon sa mga kaguruan, magulang at lalo na sa mga estudyante ang naging set-up sa mga nakaraang taon dulot ng COVID-19.
“Sa pagbubukas ng mga paaralan at pagsisimula ng klase sa darating na pasukan kung saan ay face-to-face na ang mangyayare, isang problema ang nakita ko ito `yong pagbiyahe ng ating mga pampublikong guro sa mga remote areas-kabundukan, isla at sa iba pang lugar na mahirap talagang puntahan,” sabi nito.
Naniniwala aniya ito na malaking tulong sa mga guro kung bibigyan ng libreng pabahay ang mga guro na malapit sa kanilang tinuturuan.
“Masusukat at masisiguro natin ang kalidad ng edukasyon kung nabibigyan natin ang mga guro na sapat na benepisyo,” aniya pa.
Sinabi pa ni Guintu na ang transportasyon at turismo ay malaking bagay para sa kaunlaran ng bansa, maliban sa makikilala ang mga magagandang destinasyon ay maipagmamalaki ito sa buong mundo at makatutulong ito sa ekonomiya ng Pilipinas.
“Tulad nga ng sinabi ni President Bongbong Marcos, aayusin ang mga daanan sa mga lugar na malalayo upang magkaroon ng maayos at mabilis na sistema ng transportasyon sa mga turista. Ganitong mga proyekto ang susuportahan natin- mga sustainable projects na magagamit pa hanggang sa mga susunod na henerasyon,” pahayag pa nito.
Natuwa rin ang kongresista sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagpapatayo ito ng mga pasilidad pang-medikal na hindi lang nakasentro sa Metro Manila kundi sa mga karatig na lugar.
“Sa House Bill no. 2029 na ipinasa ko sa Kongreso, ang Sustainable Cities and Communities Act, layunin nito na palawigin ang mga proyektong tutulong sa kalusugan ng mga kababayanin tulad nga nitong mga Health Care Centers. Hindi na kailangan pang pumunta sa NCR para magpagamot dahil available na sa lugar nila ang pagamutan,” paliwanag pa nito.
