
Ni NOEL ABUEL
Nananawagan ang isang kongresista sa pamahalaan na magpatupad ng loan moratorium para sa mga apektado ng malakas na paglindol na tumama sa buong Luzon.
Ang panawagan ay ginawa ni Pinuno party list Rep. Ivan Howard Guintu sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Pag-IBIG, Nationg Housing Authority (NHA), Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS).
Dagdag pa nito na dapat na magdeklara ng state of calamity sa mga lugar na tinamaan ng lindol nang sa gayon ay magkaroon ng mekanismo upang makapangutang ang mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng calamity loans ng Pag-IBIG, SSS, at GSIS.
“Tinatawagan natin ang ating mga ahensiya sa pabahay na magpaabot ng tulong sa mga nasalanta sa lalong madaling panahon.Nakikiusap tayo sa mga pribado at pampublikong mga bangko, lending agencies, at financial institutions na bigyan ng palugit ang loan payments ng mga kababayan nating tinamaan ng lindol. Magiging malaking tulong ito para makabangon ang ating mga kababayan,” paliwanag nito.
Hinihikayat din ni Guinto ang mga kapwa nito kongresista na bigyang prayoridad ang agarang pagpasa sa inihain nitong panukalang batas, ang House Bill 2028 o ang Resilient Housing and Human Settlements Act, upang magkaroon ng maayos na mekanismo na magsisiguro na ang mga Pilipinong makakaranas ng mga kalamidad ay mabibigyan ng rehabilitasyon sa mga ligtas, abot-kaya, at sustainable na pabahay na may access sa disenteng hanapbuhay at serbisyong panlipunan.
“Nais nating tulungan ang ating mga kababayan hindi lamang sa pagpapaayos ng kanilang mga tahanang nasira ng lindol, ngunit mas mahalaga, upang bumalik sa normal ang kanilang pamumuhay,” ayon pa dito.
