
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng simpatiya si Senador Manuel “Lito” Lapid sa mga naapektuhan ng malakas na paglindol sa Ilocos at Cordillera regions at iba pang karatig probinsya nito.
Ayon kay Lapid, nalulungkot ito sa nangyaring kalamidad subalit umaasa itong malalampasan ito ng mga Filipino.
“My concern, sympathy and prayers go for the people of Ilocos and Cordillera Region and other neighboring provinces affected by the earthquake we experienced earlier today. Patuloy po nating ipagdasal ang kaligtasan ng lahat ng mga apektado, at ang proteksyon ng ating mga kababayan mula sa posible pang aftershocks nito,” sabi nito.
Samantala, nanawagan si Lapid sa mga local government units (LGUs) kasama ang national government na magsagawa ng agarang pag-iinspeksyon sa mga imprastraktura upang masiguro na ligtas ito.
Apela rin nito sa pamahalaan na agad na tulungan ang mga apektadong pamilya upang makabagon mula sa trahedya.
“Kasabay nito, hinihimok ko rin ang ating mga kasama sa local at national government na magsagawa ng agarang inspeksyon sa mga imprastraktura upang masiguro na ligtas ang lahat. I also urge the national government to provide all possible assistance to those adversely affected by the earthquake. Mag-ingat po tayong lahat,” paliwanag pa ni Lapid.
