
NI NOEL ABUEL
Suportado ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang paglalaan ng pondo sa national budget para sa rehabilitasyon at pagpapanumbalik ng mga pampublikong imprastraktura na winasak ng magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon.
Ginawa ni House Speaker Martin G. Romualdez ang pahayag nang magtungo ito kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Senador Imee Marcos, at iba pang opisyal ng pamahalaan na bumisita sa mga biktima ng lindol at sa mga nasirang mga gusali at bahay sa lalawigan ng Abra.
Una nang nakasundo ang mga senador na maglaan ng sarili nilang pondo at isa si Senador Marcos na naglutang na ideya ng paglalaan ng pondo at pagbuo ng ahensya sa ilalim ng Office of the President na magbibigay-daan sa agarang pagpapakilos ng mga pondo na magagamit sa pagtulong sa mga sinalanta ng lindol.
“Mr. President, on the part of the House, we shall support the good senator’s proposal here owing to the fact that we’ve always been looking for best practices, and FEMA or even the AFAD in Turkey are great models for best practices for these protocols,” ani Romualdez.
Ang tinukoy ng lider ng Kamara ay ang Federal Emergency Management Authority ng Estados Unidos at ng kaalyado nitong Turkish counterpart.
“We shall also join the good senator from Ilocos Norte on her call to support the budgetary requirements. For the restoration of the heritage and cultural sites as well…as the various infrastructures in the situation report,” aniya.
Sinabi pa ni Romualdez na magagawa ito sa koordinasyon ng mga kinatawan at ng mga local officials ng mga apektadong probinsya.
Personal ding ibinigay ni Romualdez kay Abra Rep. Ching Bernos ang tulong pinansyal nito para sa apektadong residente at namahagi ng pagkain at ilang pangunahing pangangailangan ng mga naapektuhang pamilya sa Abra.
Apela pa ng mambabatas na dapat na magtulungan ang pamahalaan at ng pribadong sektor para tulungan ang mga biktima at pagsasaayos ng mga napinsalang komunidad.
