
NI NOEL ABUEL
Pararangalan ng Senado si Olympic pole vault Ernest John Uy Obiena dahil sa naiuwing bronze medal sa katatapos na World Athletics Championship sa Oregon, USA.
Sa inihaing Senate Resolution No. 63 ni Senador Manuel “Lito” Lapid, nais nitong parangalan at kilalanin ang 26-anyos na si Obiena dahil sa panibagong parangal na iniuwi nito sa Pilipinas mula sa nasabing palaro noong Hulyo 15-25.
Sinabi ni Lapid na inilagay muli sa kasaysayan ng bansa ang ginawa ni Obiena dahil sa maliban na napanalunan nitong bronze medal ay nakapagtala rin ito ng bagong national at Asian record nang malampasan nito ang 5.94 meters sa finals ng pole event sa men’s division ng 2022 World Athletics Championships sa Hayward Field.
“Patunay ang mga sunud-sunod na pagkapanalo ni EJ Obiena sa galing at husay ng mga atletang Pilipino. Kaya’t higit na nararapat na sila ay bigyang parangal ng ating Senado, isang maliit na bagay kapalit ng dangal na inuuwi ng ating mga atleta sa ating bansa,” ani Lapid.
Nawasak ni Obiena ang Asian record na 5.93 meters na naitala nito noong 17th Golden Roof Challenge sa Innsbruck, Austria noong Setyembre 2021.
“Maraming salamat sa ating mga atletang patuloy na lumalaban ng buong tapang at lakas para sa bayan. Taas-kamaong pagpupugay sa inyo! Nawa’y patuloy kayong magsilbing inspirasyon sa marami pa nating mga kababayan na naghahangad na lumawak pa ang pagkakakilala ng atletang Pilipino sa iba’t ibang larangan ng sports sa buong mundo,” sabi pa ng senador.
SI EJ Obiena ang tanging Pinoy at Asian na umusad sa finals ng pole vault event sa 2022 World Athletics Championships.
