Northern Luzon muling inuga ng 80 aftershocks

NI NERIO AGUAS

Muling nakaranas ng malalakas at mahihinang paglindol ang iba’t ibang lugar sa Hilagang Luzon kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), isa sa naitalang malakas na paglindol ay naitala dakong alas-12:36 ng madaling-araw na  magnitude 4.6 na natukoy sa layong 17.54 hilaga at 2 kilometro ng Peñarrubia, Abra at may lalim na 019 kms.

Samantala, dakong ala-1:16 ng madaling-araw rin nang maramdaman muli ang paglindol sa naitalang magnitude 4.2 sa layong 85 kanluran  ng Villaviciosa na nasundan pa ng magnitude 2.7 dakong alas-4:13 ng madaling-araw.

Wala namang naitalang nasira o nasaktan sa nasabing paglindol kung saan sinabi ng Phivolcs na pawang aftershocks lamang ang naramdaman ng mga residente ng Abra matapos tumama ang magnitude 7.3 noong nakalipas na araw.

Nabatid na ngayong araw lamang, nasa 79 na aftershocks ang naitala sa mga lalawigan ng Daguioman, Abra; Ramon, Isabela; Tubo, Abra; Tayum at Manabo, Abra; Dinapigue, Isabela; Magsingal, Ilocos Sur; San Isidro at Luba, Abra; Burgos, Suyo at Cervantes sa Ilocos Sur; Sabangan, Besao, Mt. Province; Rizal, Nueva Ecija; Jose Abad Santos, Davao Occidental;    Dalupiri Island, Cagayan; at sa iba pang mga lugar sa Hilagang Luzon.

Sinabi pa ng Phivolcs na asahan pa ang mga aftershocks sa mga susunod na araw kung kaya’t pinapayuhan na dapat na mag-ingat ang mga residente.

Leave a comment