
NI NERIO AGUAS
Umakyat pa sa P396.58 milyon ang naitatalang pinsala sa mga kalsada, tulay at iba pang imprakstraktura dahil sa malakas na paglindol at patuloy na mga aftershocks sa Hilagang Luzon.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan, base sa pinakahuling datos na natanggap nito sa mga tauhan ng ahensya sa iba’t ibang lalawigan sa Hilagang Luzon, P104.53 milyon ang nasirang national roads at P292.05 milyon naman sa mga national bridges sa Cordillera Administrative Region, Regions 1 at 2.
Samantala, lima pang kalsada ang sarado at hindi pa maaaring daaanan ng mga motorista sa CAR at Region 1 dahil sa nakaharang na mga debris mula sa gumuhong lupa.
Nabatid na patuloy ang isinasagawang paglilinis ng DPWH Quick Response Teams sa Lubuagan-Batong Buhay Road K0463+700, K0464+000 sections sa Puapo, Dangtalan, Pasil at K0464+600, K0464+700, K0464+800 sections ng Colong, Lower Uma, Lubuagan, sa Kalinga Province dahil sa landslide at rock collapse.
Samantala ang Baguio – Bontoc Road K0347+090 – K0347+180, at K0347+280 – K0347+340 Mt. Data Cliff, Bauko, sa Mt. Province ay sarado dahil sa pagguho ng lupa at ang Tagudin – Cervantes Road K0350+950, and K0353+100 section sa Ilocos Sur dahil din sa landslide at rockslide.
Habang ang Jct. Santiago-Banayoyo-Lidlidda-San Emilio-Quirino Road K0393+000 Brgy. Cayos, Quirino, Ilocos Sur at ang Cervantes-Aluling-Bontoc Road K0387+(-950), Brgy. Aluling, Cervantes, Ilocos Sur ay nananatiling hindi madaanan dahil sa landslide at rockslide.
Sinabi pa ni Bonoan na target na mabuksan ang mga apektadong kalsada sa CAR sa darating na Hulyo 30, ganap na alas-5:00 ng hapon.
