
NI NOEL ABUEL
Kinondena ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ang nangyaring pagpatay sa ama ng doktor na akusado sa pagpatay sa dating alkalde at dalawang iba pa sa nasabing probinsya.
“We condemn the senseless killing of Rolando Yumol, father of Ateneo shooting suspect Chao Tiao Yumol. The crime happened just outside the elder Yumol’s residence in Lamitan City by still unidentified assailants, in broad daylight and in full view of people,” sabi ni Hataman.
“Nais ko sanang diinan: KAILAN MAN AT SA KAHIT NA ANONG DAHILAN, WALANG SAYSAY ANG PAGKITIL NG BUHAY. Anumang uri ng karahasan ay walang lugar sa ating lipunan kung nais nating umunlad at kumawala mula sa imahe ng kaguluhan sa ating lalawigan,” dagdag nito.
Umaasa itong ang nangyaring panibagong krimen ay hindi na magdudulot pa ng mas madugong krimen dahil sa hindi ito katanggap-tanggap.
“It is not who we are as Basileños, as Filipinos and as human beings. Malayo na ang narating natin sa Basilan at tungkulin ng bawat isa na siguraduhin na hindi mapupunta sa wala ang lahat ng paghihirap at sakripisyo ng karamihan upang makamit natin ang kaunlarang tinatamasa natin sa ngayon. Huwag nating hayaan na ang pagkakamali ng iba ay maging sanhi upang mabaon tayong muli sa dusa dala ng pagkitil ng buhay ng mga inosenteng tao. Nagsisimula pa lamang tayong bumangon mula sa pandemya na nagpadapa sa ating ekonomiya at kabuhayan. Kailangan nating magsumikap na mapanatili ang kapayapaan para sa kapakanan ng ating lalawigan,” paliwanag pa ng kongresista.
Nanawagan din ito sa mga netizens na maging mahinahon at huwag nang dagdagan pa ang gulo sa pamamagitan ng social media upang matigil pa ang anumang kaguluhan.
“Huwag nating husgahan, silaban o gatungan ang mga nag-aalab na damdamin ng bawat pamilyang nagdadalamhati sa mga nangyari. Nagluluksa pa ang lahat. Ang mga haka-haka o akusasyong walang basehan ay hindi makakatulong, at maaaring maging mitsa pa ng karagdagang karahasan,” ayon pa sa mambabatas.
Nagpahatid in si Hataman ng pakikiramay sa pamilya ni Rolando Yumol, na nagtamo ng apat na bala ng kalibre 45 baril sa likurang bahagi ng katawa, at nananawagan sa mga awtoridad na imbestigahan at papanagutin ang mga responsable sa pagpatay na ito.
