DDR panahon nang sertipikahan bilang urgent – Sen. Cayetano

Senador Alan Peter Cayetano

NI NOEL ABUEL

Naniniwala si Senador Alan Peter Cayetano na ngayon na ang pinakatamang panahon para iprayoridad ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR).

“I think it is a good idea, an idea whose time has come, and I think it will really save lives,” ani Cayetano.

Binigyan-diin pa ng senador na maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nagpahayag na ng interes sa pagtatatag ng isang DDR at dapat kunin ng Senado ang pagkakataong ito para irekomenda sa Pangulo na i-certify as urgent ang lahat ng panukalang batas tungkol sa DDR.

“Since nabanggit na ng Pangulo kanina na siya ay pabor, dapat siguro bilisan at unahin natin ito,” ani Cayetano.

“Ang problema, after (Supertyphoon) Yolanda, lahat tayo gustong matupad na ito, every time that there’s a big disaster, gusto natin, and then eventually nakakalimutan,” dagdag pa ng senador.

Sa kanyang manifestation sa Senado, hinimok ni Cayetano ang kanyang mga kasama na hilingin kay President Marcos na i-certify as urgent ang lahat ng mga panukalang batas na may kinalaman sa pagtatatag ng isang emergency response department.

Ito ay matapos yanigin ng isang magnitude 7.3 lindol ang hilagang bahagi ng Luzon, na nag-iwan ng di-bababa sa limang taong nasawi at malawak na pinsala sa Norte.

Nagpahayag ng suporta sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senador Christopher Lawrence Go sa panukala ni Cayetano kung saan sa kasalukuyan ay apat nang panukala ang nakahain sa Senado na naglalayong maitatag ang isang emergency response department.

Una nang nagpadala ang senador ng sulat sa Pangulo upang humingi ng sertipikasyon kung saan sakaling maagang mapagdebatehan ang mga panukalang batas ukol sa emergency response department, magkakaroon ng mas maraming oras ang mga mambabatas upang plantsahin at pag-isahin ang naturang mga panukala.

Leave a comment