
NI NOEL ABUEL
Tiwala si Senador Sonny Angara na mangyayari na ngayon ang pagtatayo ng mga tinawatag na specialty hospitals sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa mismong Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagsusulong nito.
Ayon kay Angara, umaasa itong sa inihain nitong Senate Bill 93 ay maitatayo na nasabing mga specialty hospitals tulad ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, at ng Philippine Children’s Medical Center, na pawang pinatatakbo ng Department of Health (DOH) at nasa National Capital Region (NCR).
“Sa aking pag-iikot sa mga tinatawag natin na specialty hospitals ay napansin ko na marami sa mga pasyente doon ay nanggaling pa mga malalayong lugar tulad ng Maguindanao at General Santos City. Napakalaking gastos ito para sa mga pasyente at sa kanilang mga kamag-anak na kailangan bumiyahe ng malayo para magpagamot,” sabi ni Angara.
“Marami pa tayong mga probinsya na talaga naman na underserved pagdating sa health services. Ito ang mga lugar na isolated sa kanilang mga regional tertiary care hospitals. Dahil dito ang panukala natin ay makapagpatayo ng specialty hospitals sa mga nakatayo nang mga ospital sa mga probinsyang ito,” dagdag pa nito.
Noong 2018, inihain din ni Angara ang kahalintulad na panukala at ngayong binanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) na nais nitong mailapit sa malalayong lugar ang mga naturang medical services.
“Napakinabangan natin nang husto ang malalaking specialty hospitals gaya ng Heart Center, Lung Center, Children’s Hospital at National Kidney and Transplant Institute. Kaya maliwanag na hindi lang dapat dito sa National Capital Region, kundi maging sa ibang parte ng bansa kailangan madagdag ng ganitong uri ng mga pagamutan,” sa pahayag ng Pangulo.
Sa ilalim ng panukala ni Angara, ang apat na specialty hospitals ay kakailanganing magtayo ng mga satellite hospitals sa natukoy na rehiyon at pangangalagaan ng kani-kanilang cahrters.
Ang prayoridad sa pagpili ng mga lokasyon para sa mga satellite specialty hospitals ay ibabatay sa pinakapasaning sakit sa rehiyon; ang legal na mandato ng batas tulad ng Integrated Cancer Control Act, Mental Health Act, at ang Expanded Senior Citizens Act.
Kasabay ng pagkakaroon ng satellite specialty hospitals, sinabi ni Angara na kakailangan din ang pagkakaroon ng mas maraming medical personnel partikular ang mga espesyalista.
Isa sa nakikitang solusyon aniya nito ay ang Republic Act 11509 o ang Doktor Para sa Bayan Act kung saan ang mga medical scholars na sinuportahan ng estado ay sasailalim sa mandatory return of service at public health institutions kasama na ang specialty hospitals.
