Abra at Ilocos Sur dinalhan ng tulong ng 2 senador 

Ni NOEL ABUEL

Namahagi ng tulong sa ilang residente ng Abra at Ilocos Sur ang ilang senador bilang bahagi ng pakikisimpatiya sa sinapit na trahedya ng malakas na lindol noong Hulyo 27.

Personal na tinungo nina Senador Robinhood “Robin” C. Padilla at Senador Christopher “Bong” Go ang Abra at Ilocos Sur at nagbigay ng mga ayuda sa mga naapektuhan.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Padilla ang kahalagahan ng pag-shift sa pederalismo para mas mabilis ang pagtugon ng pamahalaan sa sakuna.

“Ang gobyerno, hindi dapat reactive. Dapat proactive. ‘Yan ang pederalismo. Ang pederalismo, binibigay ang kapangyarihan sa lokal para mabilis ang kanilang pagtugon kapag ganitong pagganap,” ayon sa mambabatas.

Sa ngayon, ani Padilla, ang malaking bahagi ng tulong ay nanggagaling pa rin sa national government na nakabase sa Metro Manila – at dahil dito, “ang laki ng delay” nito.

Pero sa pederalismo, ani Padilla, “mae-empower” ang local government unit para tumugon sa kalamidad.

“Kaya sana alam ko naman ako tutulungan ng aking idol senator (Bong Go) pag sinusulong natin ang federalism, dahil ‘yan talaga ang kailangan ng bayan,” ayon kay Padilla, na naghain ng Senate Resolution 6 para repasuhin ang ilang probisyon ating Saligang Batas – kasama na ang pagkaroon ng pederalismo at parliamentary government.

Sa kanyang resolusyon, idiniin ni Padilla na dapat pag-aralan ang pederalismo para mas maayos na matugunan ang alalahanin ng mamamayan sa iba’t ibang rehiyon dahil hindi na centralized ang kapangyarihan ng gobyerno.

Leave a comment