
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa mga awtoridad sa kalusugan na paigtingin pa ang kanilang kamalayan, pagtuklas, pagsubaybay sa sakit at pagsusumikap sa pagpigil sa nakumpirmang unang kaso ng monkeypox sa Pilipinas noong Biyernes, Hulyo 29.
Sa kanyang pahayag hinimok din nito ang publikong Pilipino na sundin ang minimum health protocols at sumunod sa health advice mula sa gobyerno at mga medical expert.
“Apela ko naman sa ating mga kababayan, sundin pa rin natin ang mga minimum health protocols, katulad ng pagsusuot ng mask, especially in enclosed spaces, at social distancing,” sabi ni Go.
“Palaging sundin ang mga patakaran ng gobyerno. Para naman po ito sa lahat. Apektado tayo ‘pag bumagsak ang ating healthcare system, babagsak din ang ekonomiya,” dagdag nito.
Una nang iniulat ng Department of Health na isang 31-anyos na Filipino citizen na bumalik sa bansa noong Hulyo 19 ang unang kaso ng monkeypox sa bansa.
Agad na inilagay ng DOH ang nasabing OFW sa quarantine at mahigpit na sinusubaybayan ang sitwasyon nito.
Ayon naman sa Malacañang, sinabi ng DOH na kontrolado nito ang health situation sa bansa sa kabila nang unang naitalang kaso ng monkeypox.
Sinabi pa ng DOH na nakikipag-ugnayan na ito sa United States government upang makakuha ng bakuna laban sa monkeypox.
Ayon sa World Health Organization, ang monkeypox virus ay kumakalat sa pamamagitan ng mga likido sa katawan, at respiratory droplets.
Ang intimate skin-to-skin contact, kabilang ang sexual transmission, ang pangunahing transmission, kaya naman binibigyan-diin ng mga opisyal ng kalusugan ang pangangailangan ng madalas na paghuhugas ng mga kamay at pag-iwas sa pakikipag-ugnayan sa mga maaaring nahawahan.Ilan sa sintomas ng monkeypox ang lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, paglaki ng mga lymph node, at mga pantal o sugat sa balat.
