Abra niyanig ng magnitude 5.2 lindol

NI MJ SULLIVAN

Nagising sa malakas na paglindol ang ilang residente ng lalawigan ng Abra makaraang maramdaman ang magnitude 5.2 na lindol kanilang madaling-araw.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) dakong alas-2:48 ng madaling-araw nang tumama ang lindol na natukoy ang sentro sa layong 3 kilometro ng bayan ng Villaviciosa at may lalim na 22 kilometro.

Naramdaman ang lindol sa ilang bayan sa Abra gayundin sa ilang karatig lalawigan nito kung saan sa Bantay, Ilocos Sur naramdaman ang Intensity V; Intensity IV sa Bangued, Abra; Intensity sa Baguio City.

Samantala, ayon sa Phivolcs naramdaman din sa pamamagitan ng instrumental intensities ag Vigan, Ilocos Sur, intensity V; Intensity IV sa Pasuquin, Ilocos Norte; intensity III sa Laoag City, Ilocos Norte; Sinait, Ilocos Sur; Intensity II sa Tabuk, Kalinga; Claveria at Penablanca, Cagayan at intensity I sa Baguio City; Dagupan City, Pangasinan at Ilagan, Isabela.

Sinabi pa ng Phivolcs na inaasahan pa ang aftershocks sa mga susunod na araw kung kaya’t pinag-iingat ang mga  residente sa nasabing mga lugar na mag-ingat.

Nabatid na nakapagtala ang Phivolcs ng 50 aftershocks ngayong Agosto 1, kung saan sa mga nakalipas na araw ay nakapagtala rin ng mahigit sa 1,000 paglindol sa Abra at Ilocos Sur.

Magugunitang noong Hulyo 27 nang tamaan ng 7.3-magnitude ang Abra na nagresulta ng pagkasawi ng 10-katao at mga nasirang mga gusali.

Maliban sa paglindol ay nakakaranas din ng pag-ulan ang Abra kung kaya’t labis ang pag-aalala ng mga residente nito na sa tuwing umuuga ay napipilitang lumabas ng bahay kahit umuulan.

Marami na rin ang nakakaranas ng trauma dahil sa sunud-sunod at tuluy-tuloy na paglindol.

Babala pa ng Phivolcs, inaasahan na may  maitalang nasira mga gusali at bahay dahil sa malakas na aftershocks. 

Leave a comment