

NI NOEL ABUEL
Binigyan-buhay ni Senador Pia Cayetano ang mga natatanging nagawa ni dating Pangulong Fidel V. Ramos bilang Pangulo ng bansa at “elder statesman”.
Sinabi ito ni Cayetano sa isang privilege speech matapos nitong ihain at ng kanyang kapatid na si Senador Alan Peter Cayetano ang Senate Resolution No. 90 upang magpahayag ng pakikiramay sa pagpanaw ni Ramos noong July 31, 2022 sa edad na 94.
Ayon sa senador, isang napakasipag na lingkod-bayan at malapit na kaibigan ng pamilyang Cayetano ang dating Pangulo.
Sinusugan naman ng buong Senado ang naturang resolusyon, at naging co-author ang lahat ng miyembro kung saan nagpahayag ang mga ito ng pinakamalalim na pakikiramay sa pagpanaw ng dating pangulo.
Habang pinapakita ang ilang mga litrato ng pamilyang Cayetano kasama si dating Pangulong Ramos, ikinuwento ni Senador Pia na isang “health buff” ang dating Pangulo na gumigising ng madaling araw upang tumakbo.
“Like me, he believed that a healthy body supported a healthy mind… My dad, the late former Senator Renato Cayetano, heeded his early-morning invitations to play golf,” aniya.
Sinabi din ni Senador Pia na malaki ang tiwala ni Ramos sa payo ng kanyang ama na si dating Senador Rene Cayetano, na kalaunan ay ginawa niyang chief legal counsel.
“My dad loved being a lawyer, and he loved giving advice to the President,” dagdag pa niya.
Ayon kay Pia, ang pagtitiwala ng pamilyang Cayetano sa dating Pangulo ay umabot hanggang sa kanilang magkakapatid.
Sinabi pa nito na sa pagpanaw ng kanyang ama noong 2003, nabatid nito na ipagpatuloy ang pagsisilbi sa bayan sa pamamagitan ng mga oportunidad na ibinigay ni dating Pangulong Ramos sa pamilya Cayetano.
“I pray that he continues to be honored for months and years to come, because he was truly an inspiration to the youth of my generation and until now,” dagdag ni Senador Pia.
