NCDA, RBI at IBM Philippines kapit-kamay sa computer training para sa mga estudyanteng may kapansanan sa paningin

Si Ms. Marieta Regala, Administrative Head mula sa Resources for the Blind, Inc. (RBI), na nagbibigay ng oryentasyon sa mga bulag na estudyante bago magsimula ang 2-linggong Computer-Eyes camp mula Agosto 1-12, 2022 sa NCDA Disability Resource and Development Center sa Quezon City.

NI NERIO AGUAS

Aabot sa 17 junior at senior high school na may visual disability mula sa Luzon at NCR ang lumahok sa Computer-Eyes Camp ngayong taon mula Agosto 1-12.

Ang aktibidad ay inorganisa ng National Council on Disability Affairs (NCDA), Resources for the Blind, Inc. (RBI), isang non-government organization at IBM Philippines. Ito ay 2-linggong aktibidad na isasagawa nang face-to-face sa NCDA Disability Resource and Development Center sa Quezon City.

Ang inisyatiba na ito ay bilang suporta sa thrust ng administrasyong Marcos para sa digitalization ng gobyerno kung saan layunin nitong gawing mas madaling ma-access ang mga transaksyon sa publiko at pribado sa pamamagitan ng paggamit ng information and communication technology o ICT.

Binigyan-diin ng Pangulo sa kanyang unang State of the Nation Address ang kahalagahan na gawing seamless ang mga transaksyon sa gobyerno sa pamamagitan ng paggamit ng ICT.

Ayon kay OIC-Executive Director Mateo Lee, Jr. ng NCDA, ang pagkakaroon ng kaalaman at kasanayan sa ICT ay isang mahusay na equalizer para sa mga taong may kapansanan upang maging produktibong miyembro ng lipunan, ito ay nakakatulong sa kanila na makapag-aral nang mag-isa at makapagtrabaho.

Sinabi rin ni Director Lee na ang mga bulag ay magkakaroon ng pantay na oportunidad sa trabaho sa digital workforce, lalo na sa mga kabataan kung mayroon silang kasanayan sa ICT.

Ang Computer-Eyes Camp ay sinimulan noong 2001 ng RBI at idinisenyo upang magbigay ng mga workshop sa computer sa mga bulag na mag-aaral sa mga makabagong aplikasyon sa kompyuter pati na rin ang magkaroon ng kasanayan sa ICT na magsusulong ng mga oportunidad sa trabaho sa sektor ng ICT.

Gamit ang espesyal na software, matututunan ng mga kalahok ang mga pangunahing konsepto ng computer tulad ng mga kasanayan sa keyboarding, at ang paggamit ng software ng screen reader na tinatawag na Non-Visual Desktop Access (NVDA).

Ang pandemya ay nagdulot ng mga hamon sa edukasyon, ang mga bulag na mag-aaral ay kailangang pahusayin ang kanilang kakayahan para sa mga online na klase dahil ito ay bahagi ng mga modalidad sa pag-aaral mula sa Department of Education.

Sa pagsisimula ng pandemya noong 2020, nakapagsagawa ang RBI ng tatlong online na sesyon sa Basic, Advanced, at SkillsBuild Training para sa humigit-kumulang 100 na high school, kolehiyo, at nasa hustong gulang na may kapansanan sa paningin.

Nagpatuloy ito noong nakaraang taon kung saan isa pang tatlong sesyon ang isinagawa para sa mga trainees mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Matututunan din ng mga participants-trainee sa taong ito kung paano i-access ang mga application ng Windows Office tulad ng Word, Spreadsheet, at Powerpoint, pamahalaan ang mga file at folder pati na rin ang internet navigation para sa kanilang mga research work.

Ang pagbubukas ng event ngayong araw ay kasabay ng pagdiriwang ng White Cane Safety Day, isang taunang kaganapan alinsunod sa Republic Act No. 6759. Ang tema ngayong taon ay “Puting baston, gabay at kaagapay sa isang ingklusibong komunidad.”

Leave a comment