Permanenteng bisa ng birth, death at marriage certificate ganap nang batas — Sen. Revilla

Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.

Ni NOEL ABUEL

Tuluyan nang naging batas ang panukalang gagawin nang permanente ang bisa ng mga birth, death at marriage certificate.

Sa ipinadalang sulat ng Malacanang na pirmado ni Executive Secretary Victor Rodriguez sa Senado, sinasabing nag-lapsed na ang Republic Act No. 11909 o ang “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act” noong Hulyo 28, 2022.

Si Senador Ramon Bong Revilla Jr. na siyang chairperson ng Committee on Civil Service, Government Reorganization, and Professional Regulation at principal sponsor na nagsulong at nagtanggol sa naturang batas.

Nakapaloob sa nasabing batas na ang mga birth certificate, death certificate, at marriage certificate na inisyu, nilagdaan, certified, o authenticated ng Philippine Statistics Authority (PSA), maging ng National Statistics Office (NSO) at ng local civil registries –ay permanente na ang bisa kahit anong petsa pa inisyu.

Ang nabanggit na mga dokumento ay kikilalanin at tatanggapin sa lahat ng gobyerno at pribadong transaksiyon o maging sa pagsusumite ng mga requirements bilang pagkakakilanlan ng isang indibidwal sa kahit anong tanggapan sa bansa.

Sinabi ni Revilla na ang naturang batas ang sagot sa matagal nang suliraning kinakaharap ng mga aplikante hinggil sa mga ahensiya ng pamahalaan at ilang pribadong institusyon na tanging ang mga dokumento lamang na hindi bababa sa anim na buwan simula nang inisyu ang tinatanggap.

Bagama’t may nauna nang paliwanag ang PSA na ang iniisyu nilang certificates ay wala naman umanong expiration ngunit dahil sa pabagu-bago ng kulay ng naturang dokumento ay nagiging basehan pa ito na luma o bago ang isinusumiteng dokumento.

Dahil sa taun-taon ay nagbabago ng kulay ng mga certificates na inakala ng marami na kailangan nang kumuha ng bagong dokumento na hindi naman dapat dahil may bisa pa rin ito.         

“Malugod tayo na naipasa na ang ‘Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act’ na pinagsikapan at pinagtulung-tulungan natin na madinig sa Senado. Ang panalo dito ay ang bawat Pilipino, na hindi kailangan gumastos pa nang paulit-ulit para sa mga certificates dahil ang mga hawak at nabayaran na nila ay di na mawawalan ng bisa,” masayang pahayag ni Revilla.

Leave a comment