Pinoy boxer na nanalo ng IBO world flyweight title pararangalan ng Senado

Ni NOEL ABUEL

Isang resolusyon ang inihain sa Senado na naglalayong pagkalooban ng parangal at papuri ang isang Pinoy boxer na nagwagi sa laban nito sa bansang South Africa.

Sa Senate Resolution No. 84 na Inihain ni Senador Christopher “Bong” Go, chairman ng Senate Committee on Sports, nais nitong kilalanin ang tagumpay ni Davemark “Dave” Apolinario sa pagkapanalo ng International Boxing Organization flyweight crown sa International Convention Center sa East London,  South Africa noong Sabado.

Si Apolinario ay tinalo si Gideon Buthelezi upang maiuwi ang  IBO world flyweight title, at manatili ang malinis  na record nitong 17-0 kasama na ang 12 knockouts. 

Kilala si Go, na isa ring  sports enthusiast, na supporter ng mga Filipino athletes na lumalaban sa mga international competitions. 

Noong nakaraang taon, kasunod ng hiling sa Philippine Sports Commission (PSC) isinulong ni Go sa pamamagitan ng Office of the President ay inaprubahan ang additional allowance na P100,000 sa mga atletang lumalahok sa 2020 Tokyo Olympics and Paralympics sa Japan.

Matagumpay din na iniapela si Go sa gobyerno na isama sa priority list para sa COVID-19 vaccination ang mga Filipino athletes at iba pang delegado na sasabak o lalahok sa Olympics.

Itinulak din ni Go ang paglalaan ng sapat na pondo para sa paghahanda, pagsasanay at partisipasyon ng mga atletang Pilipino sa 2022 Southeast Asian Games at iba pang internasyonal na kompetisyon. 

At sa kasagsagan ng pandemya, hinimok ni Go ang mga kinauukulang ahensya na tulungan ang mga atleta na nakaapektuhan ang pagsasanay at kabuhayan dahil sa ipinatupad na mahigpit na restriksyon.

Si Go din ang nag-akda at nagko-sponsor ng panukala na naging Republic Act No. 11470. 

Ang batas, na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 2020, ay nagtatakda para sa pagtatayo ng National Academy of Sports sa New Clark City Sports Complex sa Capas,  Tarlac.

Leave a comment