
NI NOEL ABUEL
Muling inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong pagkalooban ng rental subsidy ang mga informal settler families (ISFs) para matulungan na makaahon sa kahirapan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin.
Sa House Bill No. 2879, o ang Rental Housing Subsidy Act of 2022, na inihain ni AGRI party list Rep. Wilbert Lee, bibigyan ng rent subsidy program ang mga kuwalipikadong ISFs.
Nabatid na noong 18th Congress ay pumasa sa huli at ikatlong pagbasa ang panukala sa Kamara subalit nabigong makaabot sa Senado.
“It is getting harder for the poor to live decently due to the pandemic and inflation. The government has to step in and intervene so that informal settlers can devote their meager resources to food and education,” sabi ni Lee.
Paliwanag ng mambabatas, ang mga eligible beneficiaries na nawalan tahanan dahil sa kalamidad ay tatanggap ng rent subsidy upang hindi na lumayo ang mga ito sa kanilang pinagkakakitaang trabaho.
Sa sandaling makapasa ngayong 19th Congress ang nasabing panukala, ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang magkakaloob ng grant beneficiaries sa mga nakatira sa Metro Manila sa flat rate na P3,500.
Magtutulong naman ang DHSUD at ng National Economic and Development Authority (NEDA) na dedetermina sa gastos sa mga nakatira sa ibang rehiyon.
Ag mga benepisyaryo ay makakatanggap ng rental subsidy sa loob ng 5-taon hanggang sa matapos ang permanent housing project na inilaan sa mga ito o sa aktuwal na paglilipat sa permanent housing project.
“Malaki ang maitutulong ng rental subsidy law sa paghikayat sa mga ISF na lisanin ang tirahan nila na malapit sa peligro. Malaking balakid kasi sa paghanap nila ng mas maayos na komunidad ang kawalan ng pondo na pinipili nilang ilaan na lang sa pagkain at pag-aaral ng mga anak nila, lalo pa sa panahon na patuloy na tumataas ang presyo ng bilihin,” paliwanag pa ni Lee.
“Umaasa tayo na muling kikilalanin ng Kongresong ito ang pangangailangan na mabigyan ng suporta ang mga ISF at sa lalong madaling panahon ay maipasa ang panukalang ito,” dagdag nito.
