
NI NOEL ABUEL
Nanawagan ang isang kongresista na magpatupad na ng nationwide ban sa single-use plastics upang masolusyunan ang lumalaking problema sa polusyon dahil sa plastic.
Sa inihaing House Bill No. 1038 ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera, dapat na magkaroon ng isang polisiya sa paglaban sa single-use plastic products na nakakapaminsala sa kapaligiran.
“By implementing a national policy against the use of single-use plastics, the state shall ensure the protection of the environment, prioritize the safety of its citizens, and promote sustainable development across all sectors,” sinabi ni Herrera.
Idinagdag pa ng kongresista na ilang inisyatiba sa waste management sa eskuwelahan, sa lugar ng trabaho, ospital at maging sa tourism industry.
Ayon pa kay Herrera, kumilos na rin ang mga local government units (LGUs) sa pamamagitan ng pagpasa ng ordinansa sa waste management at pagbabawal sa single-use plastic products tulad ng plastic bags at straws.
Bagama’t marami aniyang patakaran na nagbabawal sa paggamit ng plastics sa iba’t ibang lungsod sa Pilipinas at mga hakbangin mula sa mga industriya at limitahan ang paggamit ng plastics, sinabi ni Herrera na hindi pa rin ito nakasasapat.
Binanggit pa ng mambabatas ang inilabas na pahayag ng Global Alliance for Incinerator Alternatives, na ang kakulangan ng komprehensibong pambansang patakaran upang ma-regulate ang paggamit ng plastic bags ay napatunayan na may problema para mga lungsod, munisipalidad na nagsusumikap na mabawasan o kontrolin ang plastic bag usage sa hurisdisyon ng mga ito.
“It is of utmost importance to align policies across the country and to work together with industries in eliminating plastic pollution,” ayon pa sa kongresista.
