Dialysis wards sa gov’t hospital at libreng gamot sa mahihirap isinulong

Rep. Camille Villar

NI NOEL ABUEL

Isinusulong sa Kamara ang pagkakaroon ng dialysis units sa mga pampublikong ospital at libreng pagpapagamot ng mga mahihirap na pasyente.

Sa House Bill 3098 na inihain ni Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar, sinabi nitong mahalaga na matiyak ang kaligtasan ng buong bansa kung saan ang mga dialysis patients ang isa sa dapat na tulungan.

“With the number of citizens affected with kidney diseases that continue to increase annually, together with the high mortality risk posed, the need to capacitate our government hospitals is immediate and significant,” sabi ni Villar.

Sa sandaling maging batas, ang lahat ng national, regional at provincial government hospitals ay oobligahing magtayo, mag-operate at magmantine ng dialysis ward na may kumpletong dialysis machine, equipment at supplies sa loob ng dalawang taon sa oras na maaprubahan ang nasabing panukala.

Dagdag pa ng mambabatas, ang dialysis treatment sa mga pasyenteng walang sapat na kabuhayan na idedetermina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ililibre.

Nabatid na ang dialysis session ay nagkakahalaga ng P4,500, at inirekomenda isasagawa sa tatlong beses kada linggo na nagkakahalaga ng P13,500.

Sinabi ni Villar na maaaring isaalang-alang ang malaking halaga para sa pangkaraniwang pamilya para sa pagpapagamot kung kaya’t dapat na tulungan ang mahihirap na dialysis patients.

Leave a comment