
NI NERIO AGUAS
Pinakikilos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel M. Bonoan ang lahat ng Regional and District Engineering Offices nito sa buong bansa na makiisa sa Oplan Balik Eskwela (OBE) ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Bonoan, inatasan nito si DPWH DPWH Assistant Secretary Antonio V. Molano Jr. na magpalabas ng memorandum na inuutsan ang mga ROs at DEOs sa buong bansa na magsagawa ng maintenance activities at programa sa mga pampublikong eskuwelahan bago ang pagsisimula ng face-to-face classes ngayong taon.
“As a contribution to DepEd’s annual OBE Progam, our implementing offices were instructed once again to undertake measures that would help in ensuring smooth and orderly opening of classes, sabi ni Secretary Bonoan.
Nabatid na taun-taon ay nag-iimplementa ang DPWH ng mga maintenance works sa mga public schools sa ilalim ng OBE kabilang ang pagpipinta sa mga pedestrian lanes sa harap ng mga eskuwelahan, declogging at paglilinis ng drainage at manholes malapit sa paaralan, pagsasaayos sa mga sirang upuan, classroom ceilings, washrooms, at entrance gates.
Ngayon taon, iniutos ni Sec. Bonoan na mag-organisa ng OBE outreach programs sa dalawang malalayong eskuwelahan sakop ng DEO na nasa hurisdiksyon nito.
Partikular na isasagawang programa ng DPWH ang tree planting activities sa loob ng paaralan, donation drive para sa school supplies, libro, facemasks, at food packs at iba pa.
