
NI MJ SULLIVAN
Muling pinagtibay ng Pilipinas at ng Japan ang kanilang economic partnership lalo na sa infrastructure development.
Ito ay matapos ang pagpupulong nina Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno at Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa.
“The Ambassador reiterated Japan’s continued support for the Philippines’ massive infrastructure program, the development of Subic Bay and Mindanao, and other sectoral cooperation in health, energy, agriculture, and ICT, among other areas,” sabi ni Secretary Diokno.
Umaabot na sa JPY 1.38 trillion ang naging kontribusyon ng Japan sa Pilipinas sa ilalim ng Duterte administration maliban pa sa JPY 1-trillion mark na ipinangako ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe noong 2017.
Ang Japan din ang pinakamalaking nagkaloob ng official development assistance (ODA) sa bansa na nangakong magbibigay ng pautang at grants na nagkakahalaga ng USD 10.2 bilyon, o 31.8 porsiyento ng kabuuang ODA portfolio ng Pilipinas mula Disyembre 2021.
Sinabi ni Ambassador Koshikawa na pinahahalagahan ng gobyerno ng Japan ang Build, Build, Build program sa ilalim ng pamumuno ng Marcos administration.
Sa ilalim ng Medium-Term Fiscal Framework ng pamahalaan, layon nito na suportahan ang paggasta sa impratraktura sa 5 hanggang 6 porsiyento ng GDP taun-taon.
Sa kasalukuyan, ang Japanese government ay sinusuportahan ang ilang malalaking infrastructure projects ng bansa kabilang ang Metro Manila Subway Project (MMSP), North-South Commuter Railway (NSCR) Project, ang rehabilitasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Dalton Pass East Alignment Alternative Road Project, Central Mindanao Highway Project (Cagayan de Oro-Malaybalay Section), at Parañaque Spillway, at iba pa.
Gayundin, suportado ng Japan ang pagsasaayos ng Subic Bay Masterplan at ng Smart City sa New Clark City.
Sinabi pa ni Diokno na ang tagumpay ng relasyon ng Pilipinas at Japan sa infrastructure development ay mangyayari dahil sa patuloy na pag-uusap ng dalawang bansa.
