Solon sa bagong ERC chairperson: Proteksyon ng consumer unahin

Atty. Monalisa Carneo Dimalanta

NI NOEL ABUEL

Umaasa si Senador Win Gatchalian na ipagpapatuloy ng bagong chairperson ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang polisiyang magbibigay ng proteksyon sa mga consumer.

Ito ang sinabi ng senador kay Atty. Monalisa Carneo Dimalanta bilang bagong chairperson ng ERC kapalit ni Atty.  Agnes Devanadera na nagsilbi sa ahensya ng halos limang taon.

Ilang beses na ring pinuri ng senador ang komisyon dahil sa pagpapatupad ng mga programa para sa kapakanan ng mga konsyumer.

Nito lang nakaraang buwan ay ipinag-utos ng ERC sa Meralco na i-refund ang may higit na P21 bilyong halaga ng sobra-sobrang nakolekta ng power utility giant mula Hulyo ng 2015 hanggang Hunyo ngayong taon.

Ito ay katumbas ng 87 centavos kada kilowatt hour (kWh) na kabawasan sa electricity bill ng mga residential consumers.

 “Umaasa ako ng tuluy-tuloy na kolaborasyon ng aking tanggapan at ng ERC sa pamumuno ni Atty. Mona Dimalanta. Siya ay isang magaling na abogado na mayroong teknikal na kapasidad na magsusulong ng mga polisiya ng ahensya lalo na’t may sapat siyang karanasan sa sektor ng enerhiya,” ayon kay Gatchalian.

Katulad ng mambabatas, si Dimalanta ay tagasuporta rin ng renewable energy. Patunay dito ay ang kanyang dating pamumuno ng National Renewable Energy Board (NREB).  Aktibo siyang nagsulong ng pagsunod ng bansa sa Renewable Portfolio Standards (RPS) policy ng Renewable Energy Act noong kasagsagan ng kanyang termino sa NREB.

Ilang beses na ring nakatrabaho ni Gatchalian si Atty. Dimalanta sa maraming public consultations at committee hearings ng senador noong chairman pa ito ng Senate Energy Committee.

Kasama ng senador si Dimalanta sa pagsulong ng maraming panukalang batas na may kinalaman sa renewable energy tulad ng Microgrid Systems Act kung saan si Gatchalian ang pangunahing may akda.

Ayon pa sa senador, ang pagiging dalubhasa ni Dimalanta sa larangan ng enerhiya ay nagbigay daan sa kanya upang gawin siyang pangunahing abogado ng ilang malalaking local at foreign companies.

 Sa katunayan, dagdag pa ni Gatchalian, ang pamumuno ni Dimalanta sa ibang mga  energy groups ay naggawad sa kanya ng maraming international at Philippine awards at citations, kabilang na dito ang pagkilala sa kanya bilang “Market Leader” sa larangan ng Energy and Project Development.

Noong kasagsagan ng pandemya noong 2020, si Dimalanta ay pinarangalang isa sa mga “Distinguished Representatives for the 3rd Women in Renewables Asia of the Year Award.”

“Si Atty. Mona ay palaging present sa aking mga committee hearings at Technical Working Group discussions noong siya pa ay nasa NREB. Umaasa ako na sa bagong liderato ng ahensiya ay mas marami pa kaming polisiyang maipapatupad na magtataguyod ng kapakanan ng mga konsyumer, magpaparusa sa mga mapang abusong kumpanya, magsusulong ng pag-unlad ng merkado, at magtutulak ng kompetisyon sa lokal na merkado,” sabi pa ng senador.

Leave a comment