Dagdag na cash aid sa 4Ps beneficiary ipinanawagan kay PBBM

House Minority Leader Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan

NI NOEL ABUEL

Umapela sa administrasyong Marcos si House minority leader at 4Ps party list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan na dagdagan ang tulong pinansyal sa mahihirap na pamilya sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sinabi ni Libanan na ito ang nakikita nitong tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin para makasabay ang mga mahihirap.

Sa inihaing  House Resolution No. 184 ni Libanan at ni 4Ps party list Rep. Jonathan Clement Abalos II, pinakikilos ng mga ito ang National Advisory Council na dagdagan ang cash aid sa mga benepisyaryo ng 4Ps upang makasabay sa naitatalang inflation.

Paliwanag ng mga mambabatas, base sa inilalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang annual inflation rate sa bansa ay pumalo na sa  6.4 porsiyento noong buwan ng Hulyo dahil sa mataas na presyo ng pagkain dulot ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

“Given the current conditions, the cash amount being provided to 4Ps beneficiaries may not be enough to achieve the program’s goal to break the intergenerational cycle of poverty,” sabi nina Libanan at Abalos.

Hindi naman tinukoy nina Libanan at Abalos kung magkano ang dapat na idagdag sa cash subsidy sa 4Ps beneficiaries.

“A rate of increase at least matching the average annual inflation rate would be a good start,” sabi ni Libanan.

Sa General Appropriations Act of 2022, naglaan ng kabuuang P99.1 bilyon para ipambayad sa 4Ps cash grants, maliban sa administrative at iba pang incidental expenses.

Leave a comment