
NI NOEL ABUEL
Pinamamadali ng ilang kongresista sa Department of Transportation (DOTR) ang pagpapatupad ng Toll Interoperability Project nito partikular ang pagkakaroon ng iisa na lamang na Radio Frequency Identification (RFID) sticker para sa lahat ng toll expressways.
Ito ang sinabi nina House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander A. Marcos, Valenzuela City 2nd Dist. Rep. Eric M. Martinez, Caloocan City 3rd Dist. Rep. Dean Asistio, Parañaque City 1st Dist. Rep. Edwin Olivarez, Cavite 1st Dist. Rep. Ramon “Jolo” Revilla III at Caloocan City 1st Dist. Rep. Oscar Malapitan, na binigyan-diin nilang “long overdue” na ang nasabing proyekto.
Base sa inihain ng mga itong House Resolution No. 159, sinabi ni Martinez na ang patuloy na pagkaantala ng Toll Interoperability Project na ito ay nagdudulot ng malaking abala o perhuwisyo sa publiko, partikular sa hanay ng mga motoristang bumibiyahe sa iba’t ibang tollway roads.
Taong 2017 nang ilunsad ng DOTR ang proyekto kung saan nagkaroon ang ahensiya ng oportunidad na maiayos na maipatupad ito sa pag-iral ng COVID-19 pandemic.
Matatandaan na bilang bahagi ng health protocols o hakbanging maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus, inutos ang pagkakaroon ng ‘cashless’ o ‘no contact transactions’ sa pagbabayad sa lahat ng toll plaza.
Kaya naman noong January 11, 2021, itinakda ng DOTR ang deadline para sa lahat ng may-ari ng mga pribado at pampublikong sasakyan na magpakabit ng RFID sticker.
Subalit dahil mayroong magkaibang toll operators, kinakailangan pang magpalagay ng AutoSweep at Easytrip RFID stickers ang mga motor vehicle owners.
Paggigiit naman ni Martinez sa nasabing HR 159, sa ilalim ng Phase 2 ng Toll Interoperability Project, papayagan pa rin ang dalawang RFID wallets na parehong magagamit sa alinmang toll expressways at ang Phase 3 naman ay ang pagkakaroon lamang ng iisang RFID sticker para sa lahat ng toll payment booths.
“Mahigit isang taon na ang nakalipas nang simulan ang Phase 1 ng proyektong ito. Kaya naman nanawagan po tayo sa DOTR na madaliin ang full implementation ng kanilangToll Interoperability Project. Simple, fast and convenient, iyan po ang pamantayan na ating isinaalang-alang sa paghahain ng House Resolution No. 159… One RFID ngayon na!” mariing pahayag pa ni Martinez.
